ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | February 26, 2022
Tinitingala ngayon ang Pilipinas at ang tatlong kulay nito sa buong kontinente dahil sa naglalagablab na mga palo ni Justin Quiban na nagtulak sa kanya sa pangalawang puwesto sa maigting na bakbakang 2022 Asian Golf Tour: Royal’s Cup sa palaruan ng Grand Prix Golf Club sa Thailand.
Isang 7-under-par 65 ang pinakawalan ng 25-anyos na pambato ng bansa sa unang 18 butas ng paligsahang umaakit ng ilan sa mga pinakamababangis na parbusters mula sa South Africa, Japan, U.S.A., India, Sweden, Taiwan, New Zealand, Singapore, England, South Korea, Argentina, Zimbabwe, China, France, Indonesia at punong-abalang Thailand.
Walong birdies ang swak sa pang-2, -8, -9, -10, -13, -15, -17 at -18 na mga butas para kontrahin ang nag-iisang bogey sa hole no. 1 ng nag-iisang kinatawan ng Pilipinas sa kompetisyong pinag-iinteresan din ng may 155 kalahok dahil sa $400,000 cash pot.
Isang hataw sa harap ni Quiban si Chinese-Taipei ace Chan Shih-Chang habang magkakasalo sa pangatlong baitang sina Bjorn Hellgren ng Sweden at local prides Sadom Kaewkanjana at Thitipan Pachuwayprakong dahil sa iskor nilang tig-66 strokes.
Malupit ang bakbakang nagaganap sa Thailand. May 70 golfers ang nakabasag ng par bilang patibay. Sa kabila nito, umaasa ang mga Pinoy golf fans na muling sasandal si Quiban sa pormang minsan ay nagbigay sa kanya ng tiket para makapaglaro sa prestihiyosong Professional Golf Association: 3M Open.
Ang nabanggit na porma ay nasaksihan noong isang taon nang pumangatlo siya sa Professional Golf Association (PGA) Tour Qualifier na TPC Twin Cities sa Blaine, Minnesota. Pasok din ang Pinoy parbuster sa unang sampu ng dalawang iba pang mga kaganapan sa Asya: ang Sarawak Championships (2019, 6th) at ang Resorts World Manila Masters (2017, 5th).
תגובות