ni Jasmin Joy Evangelista | January 3, 2022
Pansamantalang isasara sa publiko ang Minor Basilica of the Black Nazarene o mas kilalang Quiapo Church, mula Enero 3 hanggang 6, 2022.
Ito ay dahil sa muling pagsipa ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Sa isang video advisory na ibinahagi ni Rev. Fr. Douglas Badong sa Facebook, hinikayat niya ang mga deboto na huwag muna pumunta sa simbahan sa nasabing mga araw.
"Mula January 3 hanggang January 6 ay hindi po muna natin pahihintulutan ang pagpasok sa loob ng simbahan ang mga deboto. Kung maari ay huwag na munang pumunta sa simbahan ng Quiapo," ani Badong.
Muling magbubukas ang simbahan sa Enero 7.
Ang three-day closure ng simbahan ay upang magsagawa ng disinfection bilang paghahanda sa nalalapit na kapistahan ng Itim na Nazareno.
"Ito ay pakikiisa ng Simbahan para maiwasan ang paglaganap ng hawaan ng COVID at makapagbigay-daan po tayo para sa paglilinis, pagdi-disinfect ng simbahan at ng paligid nito bilang paghahanda na rin natin sa napakahalagang araw para sa ating mga deboto," pahayag pa ni Badong.
Isinailalim ng gobyerno ang Metro Manila sa Alert Level 3 mula Enero 3 hanggang 15, 2022 dahil sa muling pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19
Comments