ni MC/VA @Sports | June 26, 2024
Target ng Quezon Province na palakasin hindi lamang ang turismo bagkus ang grassroots sports program tungo sa pagiging sentro ng ‘sports power’ sa Southern Luzon.
Ang minimithi na mapatibay ang isang koponan sa women’s volleyball na binuo at isasabak ng lalawigan sa ikalawang Season ng Maharlika Pilipinas Volleyball Association (MPVA) – na isang semi-propesyonal na home and away tournament.
Tinaguriang ‘The Quezon Tangerines’, ang team na pag-aari ni Quezon 4th District Rep. Mike Tan ay tiwalang malakas ayon kay Quezon Province Gov. Dr. Helen Tan at team manager Atty. Donn Ron Kapunan dahil binubuo ng NCAA three-peat champion St. Benilde College ang mga ito sa pangunguna nina Most Valuable Player Mycah Go at Jessa Dorog.
Head coach ang beteranong coach na si Jerry Yee. Alinsunod sa mga regulasyon sa torneo, idinagdag sa koponan ang 8 homegrown players at ang mga napili sa isinagawang tryouts ay sina Lenie Sapallo, Jasmine Dapal, Christine Joy Lubiano, Louann Latigay, at Jillian Nicole Quiambao mula sa Lucena City; Paola Alban ng Lucban, Kamille Josephine Amaka Tan ng Tayabas, at Geraldine Rae Palacio ng Pagbilao.
Kinilala ni Tan ang kahalagahan ng sports sa pagyabong at kaunlaran sa aspeto ng turismo at socio-economic, higit sa paghubog ng character ng mga bagong henerasyon ng Quezonians.
“After basketball (Quezon Huskers), nagbuo kami ngayon ng team sa volleyball para sa MPVA. Ang volleyball ay mabilis na tumataas sa mga tuntunin ng katanyagan sa mga kabataan," sabi ni Tan.
Kasama rin sa koponan sina Zamantha Nolasco, Chenae Basarte, Clydel Mae Catarig, Fiona Naomi Getigan, Weilyn Estoque, Corrine Allyson Apostol, Cristy Ondagan, Aya Densing, Kim Alison Estenzo, Zen Basilio, Fiona Inocentes, Marygrace Borromeo, Sofia Badion, Shekaina Lleses at Shahana Lleses. Ang MPVA ay magbubukas sa unang linggo ng Hulyo.
Comments