top of page
Search

Queen of All Media, todo-kayod noon… KRIS, TANGGAP NA “IRRELEVANT” NA SIYA SA SHOWBIZ

BULGAR

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Mar. 3, 2025



Photo: Kris Aquino - Cornerstone Entertainment


Ayon sa isang masugid na follower ni Kris Aquino na nakasubaybay sa lahat ng kaganapan sa buhay ng Queen of All Media, kailangan na raw maglabas o gumawa ng bagong pasabog ni Kristeta upang muling maramdaman ng publiko ang kanyang presence. 


Simula raw kasi nang magkasakit si Kris at nag-lie low sa social media ay nabawasan na rin ang kanyang karisma sa tao. Naging irrelevant na raw si Krissy at hindi na gaanong pinapansin at pinag-uusapan. 


Wala na rin ang malalaking endorsements niya at naudlot ang mga projects na kanya sanang gagawin. 


Kaya pinayuhan siya ng isa niyang follower na maglabas ng bagong “pasabog” upang manumbalik ang interes sa kanya ng publiko.


Pero sa halip na mapikon at magalit, kalmado ang naging tugon ni Kristeta sa pagtawag sa kanya na ‘irrelevant’. Para kay Kris, okey lang na sabihan siyang irrelevant na ngayon.

Mas priority niya ang kanyang kalusugan. Hindi niya balak na ma-stress para lang makagawa ng “pasabog” na inaabangan ng lahat.


Hindi insulto para kay Kris ang masabing siya ay ‘irrelevant’. Mas pinahahalagahan niya ang kanyang peace of mind at alagaan ang kanyang sarili. Hindi ‘yun matutumbasan ng salapi.


Ngayon higit na na-realize ni Kris na dapat ay hindi niya ginugol ang kanyang lakas sa pagtatrabaho sa showbiz. Dapat daw ay ang kanyang kalusugan ang kanyang binigyan ng importansiya at ganoon din ang paglalaan ng panahon sa kanyang mga anak.


 

MARAMI ang nakapansin na walang gaanong isyu na ibinabato ngayon kay Sen. Bong Revilla Jr. kumpara nu'ng mga nagdaang election. Parang ang smooth-smooth ngayon ng ginagawa niyang pangangampanya sa iba’t ibang lalawigan. Plus factor din na kabilang siya sa mga pambatong senatoriables sa Alyansa Para sa Bagong Pilipinas party.


Gayunpaman, may maipagmamalaki namang track record si Bong Revilla, Jr. sa kanyang pagiging senador. Hindi lang kapag panahon ng kampanya siya nag-iikot at nagbibigay ng ayuda sa mga taong nangangailangan. Kapag may kalamidad tulad ng bagyo, baha, at lindol, personal siyang tumutulong sa mga nasalanta. At maging kapag may sunog at emergency situation na kailangan ng agarang tulong ay maaasahan si Sen. Bong.


Ramdam niya ang pagmamahal sa kanya ng lahat, lalo na kapag tinatawag siyang “Pogi,” “Panday,” at “Tolome” kapag nangangampanya.


Samantala, hinahanap ng tao ang pagsasayaw ng Budots ni Sen. Bong kapag siya ay nangangampanya ngayon. Nagmarka ang Budots sa mga tao, kaya nakakuha si Bong ng mataas na boto noong nakaraang election. 


At bilang pasasalamat, nang mahalal muli bilang senador ay ipinakita niya sa lahat na nagtatrabaho siya at hindi nasayang ang pagtitiwala sa kanya ng marami.


 

FIRST love pala ni Sam Milby si Toni Gonzaga at greatest love naman niya si Anne Curtis at tumagal ng apat na taon ang kanilang relasyon.


Nabanggit ito ni Sam nang mag-guest siya sa Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA). 


Bukod kina Toni at Anne, wala nang iba pang binanggit si Sam na nakarelasyon niya sa showbiz, bago niya naging nobya ang isang beauty queen. 


Ngayon ay malabo nang matuloy pa ang plano nilang pagpapakasal. Walang naging pahayag ang ex-couple sa dahilan ng kanilang breakup. 


Nilinaw din ni Sam Milby na hindi third party si Moira kaya sila naghiwalay ng beauty queen.


Well, ano kaya ang dahilan at laging nauuwi sa paghihiwalay ang relasyon ni Sam Milby?


 

NAKAKAHANGA ang tapang at determinasyon ni Jennica Garcia. Sa kabila ng kanyang pagiging single mom ay naitataguyod niya ang pagbuhay sa dalawa niyang anak.


Mula nang maghiwalay sila ni Alwyn Uytingco, pinangatawanan na ni Jennica ang tumayong nanay/tatay sa kanilang mga anak. Tiniis ni Jennica na huwag lumapit sa kanyang inang si Jean Garcia para humingi ng tulong-pinansiyal. 


Nangupahan siya sa isang one-bedroom na bahay at wala silang aircon, tanging electric fan lang ang gamit nilang mag-iina kapag mainit ang panahon. 

Lahat ng pagsubok ay kinaya ni Jennica, alang-alang sa kanyang mga anak.


Nagpapasalamat si Jennica dahil kahit papaano ay hindi siya nawawalan ng projects, kahit maliliit na roles lamang ay tinatanggap niya upang kumita.


Kaya ganoon na lamang ang paghanga at papuri ni Jean sa tibay ng loob ni Jennica. Pinanindigan nito ang pagiging single mom. 


Ngayon ay ibinalita ni Jennica na nakalipat na sila sa two-bedroom house na may loft. Kahit paano ay nakapag-ipon siya mula sa talent fee (TF) niya sa mga projects na kanyang tinanggap. 


Kasama si Jennica sa horror movie na Postmortem na idinirek ni Tom Nava. Showing na ito sa March 19. 


Ang Postmortem ay pinagbibidahan ni Alex Medina at ng mga sikat na vloggers na sina Agassi Ching at Jai Asuncion.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page