top of page
Search
BULGAR

Quarantine sa Healthcare Workers, ‘wag bawasan!

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | January 21, 2022



Sa pagpasok ng 2022 ngayong Enero, bumungad sa atin ang Omicron variant at sa unang mga linggo nga ay pumalo sa mahigit 30-K ang nadale ng COVID-19.


Kaya nga, nag-isyu ng Alert Level 3 ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases at kaliwa’t kanan ang paghihigpit, kung saan nand’yan ang “no vax, no entry sa mga mall, no vax, no ride policy”, etsetera, etsetera, lalo na’t may dalawa nang namatay sa Omicron variant.


Pero sa pinakahuling balita sa awa ng Diyos, bumababa na ngayon ang COVID-19 cases sa Metro Manila, pero mas tumaas umano ang bilang ng nadadale sa labas ng National Capital Region (NCR).


Sa harap niyan, eh, kahit natabunan na ang usapin, gusto nating balikan ‘yung isyu na pagpapaikli ng Department of Health ng araw ng quarantine ng mga healthcare workers maging ng mga doble-bakunang indibidwal.


Kontra tayo na paikliin ang mga quarantine para sa mga medical frontliners at sa mga fully vax!


Naku, kailangan maging ‘consistent’ naman tayo, noh, kung mahigpit tayo sa mga hindi bakunado, ituloy natin ang saktong kaistriktuhan sa mga pinaiiral na mga quarantine sa mga healthcare workers na nadadale ng virus.


‘Wag tayong tumulad sa Amerika na pinaiikli na lang ang mga quarantine. Take note, may mga bakuna sa atin na wala sa listahan ng mga aprubadong bakuna sa Amerika, kaya maaaring iba ang sitwasyon sa Pilipinas.


Eh, baka naman sa pagluluwag na ‘yan, mas mapasubo sila, lalo na sa peligro at mas lumala ang sitwasyon natin, ‘di ba?! Hindi tayo dapat magmadali para lang mapabalik sa trabaho ang mga healthcare workers kahit pa marami na namang COVID-19 patient.


Walang kasiguraduhan ngayon sa bangis ng bilis nang panghahawa ng Omicron variant at kailangang armasan nating mabuti ang ating mga healthcare workers, kaya dapat siguradong oks na oks na sila bago sila pabalikin sa trabaho.


IMEEsolusyon na patapusin natin ang dating ipinatupad na haba ng quarantine ng ating mga healthcare workers para mapayapa ang ating kalooban na walang sabit o aberya sa pagbalik nila sa ospital. Sabi nga, slowly but surely! Anuman ang gawa at dali-dali ay hindi iigi ang pagkakayari.


Remember, bukod sa kanilang ibinibigay na serbisyo, palagi nating bigyang-konsiderasyon ang kanilang proteksiyon ng higit sa lahat laban sa mabangis na virus.


Kapag sila ang bumigay, mas marami ang mapeperwisyo at lalong mawawalan ng maasahan sa mga ospital. Agree?!


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page