ni Mary Gutierrez Almirañez | April 27, 2021
Magsusumite ang Metro Manila Council (MMC) ng rekomendasyon sa Inter-Agency Task Force (IATF) ngayong araw, para sa magiging quarantine classifications ng National Capital Region (NCR) sa pagtatapos ng modified enhanced community quarantine (MECQ) sa ika-30 ng Abril, batay sa naging panayam kay MMC Chairman at Parañaque City Mayor Edwin Olivarez.
Aniya, “Magkakaroon ng consensus ang Metro Manila Council kung ano po ang irerekomenda po natin sa Inter-Agency Task Force… Itong tanghali po.”
Paliwanag pa niya, “‘Di kaya mag-relax pa ng local government units sa quarantine natin dahil ang ating critical care based on the data ng ating DOH, bumaba ang ating critical care pero nasa 70 percent ang occupancy natin.”
Sa huling tala ng Department of Health (DOH), umabot na sa 444,970 ang kabuuang bilang ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR), kung saan 6,200 na ang mga namatay.
Matatandaang ipinatupad ang lockdown sa NCR at mga kalapit nitong lalawigan upang mapababa ang kaso ng COVID-19, mula noong maging sentro ng pandemya.
Sa ngayon ay tinatayang 31,498 ang active cases sa NCR, kung saan Quezon City ang nangunguna sa mga lungsod na may pinakamataas na kaso.
Samantala, hindi naman binanggit ni Olivarez ang quarantine classification na kanilang irerekomenda sa IATF mamayang tanghali. Gayunman, iginiit niyang magiging problema ang unemployment rate kung magpapatuloy ang MECQ sa NCR.
Comments