ni ATD - @Sports | November 13, 2020
Kalmado na sa loob ng PBA bubble, hindi na gumagambala ang pandemyang coronavirus (COVID-19) kaya nairaos ang elimination round ng Philippine Cup.
Simula na ang quarterfinals at tiyak na mas magiging dikdiakan ang mga labanan.
Pakay ng top seed Barangay Ginebra Gin Kings at No. 4 San Miguel Beer na tapusin ang kanilang kalaban upang dumiretso na sa semifinals.
Parehong tangan ng sister team Gin Kings at Beermen ang twice-to-beat advantage kaya isang beses lang nila tatalunin ang kanilang katunggali.
Makakalaban ng San Miguel Beer, (7-4) ang No. 5 Meralco Bolts, (7-4) sa alas-4 ng hapon habang katapat ng crowd favorite Barangay Ginebra, (8-3) ang Rain or Shine Elasto Painters, (6-5) sa ala-6:45 ng gabi na ilalaro pareho sa AUF Sports gym sa Clark, Pampanga.
Nakahabol sa incentives ang Beermen matapos manalo sa kanilang huling laro kontra NorthPort batang Pier, 120-99.
Kinapitan ng Beermen sina Moala Tautuaa, Arwind Santos at Marcio Lassiter para makuha ang importanteng panalo kaya inaasahang sila pa rin ang sasandalan ng San Miguel Beer laban sa mabangis na Bolts.
Tiyak naman na mapapalaban ang SMB lalo na't pinaghandaan na sila ng tropa ni head coach Norman Black.
"You have to win two games to make it to the semis, that's what it comes down to. Hopefully if you can get that first win, you put a little pressure on the team that has the twice-to-win advantage," hayag ni Black.
Sa panig ng Gin Kings, huhugot ng lakas si coach Tim Cone kina Stanley Pringle, Japeth Aguilar at LA Tenorio upang mapabilis ang pagsampa sa semis.
Samantala, para lalong hindi makaporma ang COVID-19 ay patuloy na ipatutupad ang health protocols sa loob ng bubble.
Ang ibang teams na nakapasok sa magic eight ay ang No. 2 Phoenix FuelMasters, (8-3), No. 3 TNT Tropang Giga, (7-4), No. 6 Alaska Aces, (7-4) at No. 7 Magnolia Hotshots, (7-4).
Comments