ni GA @Sports | November 28, 2023
Mga laro ngayon (Martes)
(Philsports Arena)
2 n.h. – Farm Fresh vs Galeries
4 n.h. – Choco Mucho vs Gerflor
6 n.g. – Creamline vs Chery Tiggo
Magkakasukatan ng husay, galing at diskarte ang mga semifinalists na Creamline Cool Smashers at Chery Tiggo Crossovers na planong ibigay ang unang pagkatalo sa una sa pinakatampok na laro, habang iaangat pa lalo ng Choco Mucho Flying Titans sa siyam na sunod na panalo ang laro kontra kulelat na Gerflor Defenders sa nakahandang triple-header matches ngayong araw sa 6th Premier Volleyball League (PVL) 2nd All-Filipino Conference sa Philsports Arena sa Pasig City.
Tatangkain ng Creamline na pahabain ang unbeaten winning streak sa siyam na pagbibidahan nina Jema Galanza, Alyssa Valdez, Tots Carlos, Michele Gumabao, Jeanette Panaga, Kyle Negrito at Kyla Atienza kontra sa mga batang grupo na pinamumunuan ni Ejiya “Eya” Laure.
“Para sa akin, wala sa akin 'yun depende sa naglalaro, para sa amin point by point, set-by set yun ang iniintindi namin so kung may ganung mga hype, wala naman sa'min 'yan, basta kami maglalaro kami point by point, kung ano 'yung result accept lang talaga,” wika ni Creamline head coach Sherwin Meneses. “Bata rin at matatangkad at malakas mamalo, tingnan naming mabuti kung anong advantage sa kanila.”
Inaasahang susundan ng 5-foot-7 na dating pambato ng Adamson Lady Falcons na si Galanza ang pagbibida sa nagdaan nilang pangwawalis kontra NXLed Chameleons noong Huwebes patungo sa unang silya sa semifinals.
Diniskarga ng Chery Tiggo ang F2 Logistics Cargo Movers sa come-from-behind sa 27-25, 11-25, 17-25, 25-22, 15-10 noong Sabado sa pangunguna nina Mylene Paat at Eya Laure para masungkit ang ika-anim na sunod na panalo.
Susubukan namang panatilihin ng Titans ang winning streak upang mapatibay ang pagkakahawak sa solo second.
Comentários