ni G. Arce @Sports | February 18, 2024
Photo: PVL / FB
Magiging sentro ng atensyon kung tunay na magiging epektibo ang mga bagong papalo sa koponan ng PLDT High Speed Hitters na sina Kim Fajardo, Majoy Baron, Shiela Kiseo, Kiesha Bedonia at Kim Kianna Dy upang mabitbit sa kauna-unahang podium finish ang koponan sa darating na 7th season ng Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference simula Pebrero 20 sa Philsports Arena sa Pasig City.
Masisilayan ang mga bagong manlalaro, maliban kay Dy, na hinihintay ang kabuuang pagrekober sa injury, sa ikalawang araw ng hampasan sa Pebrero 22 kontra sa Galeries High Risers sa unang laro sa alas-2:00 ng hapon sa FilOil EcoOil Arena sa San Juan City.
Pansamantala namang mamamahinga sa laro ang beteranong middle blocker na si Mika Aereen Reyes dulot ng inorperahang kanang balikat.
Magiging kabalikat si Fajardo ni playmaker Rhea Dimaculangan, habang katulong naman sa depensa si Baron sina Dell Palomata, Jessey De Leon at Rachel Anne Austero. Magsisilbi namang karagdagang opensa ang mga dating Far Eastern University Lady Tamaraws na sina Kiseo at Bedonia para kina Filipino-Canadian spiker Savannah Dawn Davison at Fiola Ceballos, samantalang aantayin ang debut game ni Dy na hahalinhinan muna ni rising spiker Erika Mae Santos at Jules Samonte para sa opposite, habang magiging pangunahing taga-damba sa depensa sina Maria Viray at team captain Kath Arado.
“'Yung pressure to handle the team, wala. Veterans kasi mga kasama ko, so pinapadali nila 'yung trabaho ko as a captain,” wika ni Arado patungkol sa kanyang mga beteranong kakampi sa koponan. “Sobrang gaan nila kasama, lalo na 'yung mga pumasok sa amin.”
Maituturing na bagong klase ng pamumuno ang dadalhin ng 25-anyos na UAAP season 77th Rookie of the Year, two-time UAAP Best Digger, Best Reciever at Best Libero na si Arado.
Comments