top of page
Search
BULGAR

PVL pokus muna sa format ng All-Filipino Conference

ni GA @Sports | August 11, 2023



Pahinga muna sa pagdepensa ang Petro Gazz Angels sa Reinforced Conference matapos pigilan ng International Volleyball Federation (FIVB) ang kahilingan ng Premier Volleyball League na makakuha ng International Transfer Certificates upang makapaglaro ang foreign guest players, bagkus ay itutulak muna ang pagbabalik ng All-Filipino format.


Nagawang masungkit ng Petro Gazz ang kanilang ikalawang Reinforced Conference at pangalawa sa liga matapos ang magkasunod na panalo sa best-of-three Finals laban sa Cignal HD Spikers sa pangunguna ni import Lindsey Vander-Weide na hinirang na Finals MVP at Best Foreign Guest Player, sa malaking tulong ni three-time collegiate Most Valuable Player Gretchel Soltones.


Napurnada ang pananatili sa podium ng Petro Gazz nang tumapos lang ito sa pinakamasamang puwesto sa liga sa 9th place para higitan ang 6th place finish noong 2022 edisyon, habang bumagsak mula sa runner-up sa 2023 All-Filipino nitong unang komperensiya matapos maramdaman ang malaking kawalan ni Filipino-American Mar Jana Phillips na kinuhang import ng Gwangju Al Peppers sa Korean V-League.


Nauna nang inihayag ni Sports Vision President Ricky Palou na magbabalik sa All-Filipino format ang liga na ipaparada ng 12-koponan kasunod ng matagumpay na pagtatapos ng Invitational Conference na nagbigay sa Japanese foreign guest team na Kurashiki Ablaze ng kampeonato kontra sa six-time conference champs na Creamline Cool Smashers noong Hulyo.


Sa kabilang banda, tiwala si head coach Oliver Almadro, na katatapik lang bilang bagong chief tactician ng Colegio de San Juan de Letran Knights volleyball program na makakabawi sila sa pagkakamintis sa semifinals matapos maging finalists noong nagdaang komperensiya.


Nakahanda umanong pagsumikapan at pagtrabahuhan ng Angels ang pagbabalik ng All-Filipino format lalo pa’t lumalakas lalo ang bawat koponan. “We really have to work hard in the next and expect pa na mas tataas pa 'yung level,” wika ni Almadro.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page