Puyat is life, pero stressed sa eye bags? Mga dapat gawin para ‘di magmukhang panda
- BULGAR
- Feb 26, 2022
- 2 min read
ni Mharose Almirañez | February 26, 2022

Kung ikaw ay “tulog is life,” mayroon namang iba na, “puyat is lifer”.
Karaniwang dahilan kaya napupuyat ang isang tao ay dahil sa pagne-Netflix, pag-aabang ng midnight sale sa Shopee/Lazada, pagti-TikTok, o pakikipag-late night talk sa ka-internet love. Sa madaling salita, napupuyat sila kaseselpon.
Mayroon din naman ibang napupuyat dahil graveyard shift sa trabaho. Idagdag na rin ‘yung mga estudyanteng nagsusunog ng kilay sa pag-aaral.
Pero knows mo bang hindi lamang pagpupuyat ang dahilan kaya nagkakaroon o lumalaki ang eye bags ng isang tao? Kabilang din sa mga sanhi nito ay ang paninigarilyo, sun exposure, allergies, at kung mamalasin pa’y hereditary ang eye bags.
Bilang gabay sa nakaka-stress na eye bags, narito ang ilang tips para mapaliit o mawala ang pangingitim sa ilalim ng iyong mga mata:
1. IWASAN ANG MGA SANHI NG EYEBAGS. Katulad ng mga nabanggit, huwag magpuyat, itigil ang paninigarilyo, pagbibilad sa araw, atbp. Ngunit kung namana ang eye bags mula sa ‘yong mga magulang, wala na tayong magagawa para paliitin ‘yan, maliban na lang sa paglalagay ng retinol cream, aloe vera gel, petroleum jelly, castor oil, argan oil, grapeseed oil, jojoba oil, almond oil at coconut oil.
2. MAGTANGGAL NG MAKE UP BAGO MATULOG. Partikular na ang eye shadow, eye liner at mascara. ‘Wag mong katamaran ang paghihilamos at pag-i-skin care bago matulog dahil nakatutulong ang skin care routine para hindi ka pangulubutan ng balat, kumbaga anti-aging na rin.
3. BAWASAN ANG PAG-INOM NG ALAK. Sey ng experts, nakaka-dehydrate ang alak at isa ang dehydration sa dahilan kaya nagkakaroon ng eye bags ang isang tao. Bagkus, dapat nating ugaliin ang pag-inom ng maraming tubig.
4. MAGLAGAY NG COLD COMPRESS SA MGA MATA. Nakatutulong ito para sa maayos na blood circulation. Ito ‘yung mga pinalamig na bagay mula sa loob ng refrigerator. Halimbawa; kutsara, green tea bags, frozen sliced cucumber, potato, tomato at ice cubes. Puwede ka ring magpahid ng binating-puting itlog sa palibot ng iyong mga mata.
5. MAGING HEALTH CONSCIOUS. Nakaka-low blood ang pagpupuyat, kaya kailangan mong mag-take ng vitamins at kumain ng mga pagkaing mayaman sa iron, protein at collagen.
6. UMIWAS SA MAAALAT NA PAGKAIN. Ayon sa American Heart Association, hindi puwedeng lumagpas sa 2,300mg ang salt content o asin na dapat i-digest ng isang tao kada-araw. Kung sosobra rito ay maari itong maka-dagdag sa fluid retention ng katawan, kaya dapat balance lang.
7. UMINOM NG ANTIHISTAMINE. Batay sa research, isang factor ang pagkakaroon ng allergy, kaya lumalaki ang eye bags ng isang tao. Makatutulong ang antihistamine para labanan ang allergy. Gayunman, siguraduhing may prescription muna ng doktor bago uminom ng kahit na anong gamot.
Sabi nga nila, eyes are the mirror of the soul. Sa panahong puro naka-face mask ang mga tao ay pagandahan na lamang ng mata ang labanan, kaya ‘wag kang pakakabog!
Paliitin mo na ‘yang eye bags mo, para makaawra ka nang naayon sa panahon.
Ayaw mo naman siguro magmukhang panda, ‘di ba?
Kommentare