@Editorial | October 10, 2021
Grabe ang mga post at palitan ng komento sa social media ngayon.
Lalong tumindi nang makapaghain na ng kani-kanilang certificate of candidacy ang mga gustong kumandidato sa Halalan 2022.
Kaliwa’t kanan ang batikos, ungkatan ng nakaraan, hanapan ng ambag pati ninakaw.
Kung nakamamatay lang ang mga post, marami nang nawala.
Okay lang sana kung ang mga nagbabasagan, eh, sila-silang mga trolls o bayaran ng mga pulitiko, wala namang silang paki basta sumusuweldo.
Ang problema, may mga netizens na totoong tao — magkakapamilya, magkakaanak, magkakaibigan, magkakapitbahay, magkakatrabaho — na hindi rin nagpapatalo sa kung sino ang sinusuportahan. Sa isang post, maraming komento, nagsasanga ng magkakaibang paniniwala, hanggang sa nauuwi na sa ‘di pagkakaintindihan. ‘Yung isyu sa pulitika, nagiging personal na.
Ang tanong, habang kayong mga supporters ay nag-aaway-away, ano naman kaya ang iniisip ng inyong mga sinusuportahan? Nagkaparinigan na sa mga post, na-block na ang mga friends, family, etc., nagkapalitan na ng masasakit na salita, silang mga pulitiko, may paki ba sa inyo?
‘Ika nga, okay lang magtalo pero ‘wag mag-aaway.
Magkakaiba tayo ng pananaw, karanasan at pinaniniwalaan sa pulitika, wala tayong karapatan na pilitin ang sinuman na sumang-ayon sa atin. Kung gusto mong makahikayat ng kakampi, galingan mo sa pagpapakilala sa iyong kandidato at hindi sa paninira ng iba.
Mahaba-haba ang panahon bago ang eleksyon, marami pang puwedeng magbago, pero sana, matapos ang lahat nang bati-bati pa rin tayo.
Comentários