@Buti na lang may SSS | August 28, 2022
Dear SSS,
Ako ay SSS pensioner sa Bauko, Mountain Province. Nais kong itanong kung paano mag-apply para sa three-month advance pension para sa mga naapektuhan ng malakas na lindol, kamakailan. - Tony
Sagot
Mabuting araw sa iyo, Lolo Tony!
Noong nakaraang Linggo ay ating tinalakay ang Calamity Loan bilang unang bahagi sa ilalim ng Calamity Assistance Package ng SSS na binuksan noong Agosto 15, 2022 para tulungan ang mga miyembro at pensyonado na naapektuhan ng Magnitude 7 na lindol na tumama sa Abra noong Hulyo 27, 2022.
Sa panahon ng mga kalamidad, tulad ng nangyaring paglindol ay handang magbigay ang SSS ng tulong. Ang ikalawang bahagi nga nito ay ang Three-month advance pension para sa mga SSS at Employee’s Compensation (EC) pensioners na tatagal din ang pagtanggap ng aplikasyon hanggang Nobyembre 14, 2022 o sa loob ng tatlong (3) buwan.
Kaya ang mga pensyonado sa mga bayan na tulad ng Bauko, kung saan kayo nakatira Lolo Tony ay kasama rito. Sakop din nito ang mga bayan ng Bangued, Boliney, Bucay, Bucloc, Daguioman, Danglas, Dolores, Lacub, Lagangilang, Lagayan, Langiden, La Paz, Licuan, Luba, Malibcong, Manabo, Penarrubia, Pidigan, Pilar, Sallapadan, San Isidro, San Juan, San Quintin, Tayum, Tineg, Tubo, at Villaviciosa. Samantalang sa Mountain Province, ito ay ang mga bayan ng Bauko at Beaso.
Sa ilalim ng Three months advance pension, paunang ibinibigay ng SSS ang tatlong buwang pensyon ng isang pensyonado. Layunin ng SSS na makatulong sa dagliang-pangangailangan ng mga pensyonado, tulad ng gamot at pagkain. Halimbawa, kung maaprubahan ngayong buwan ang aplikasyon ninyo, maaari mong makuha ang inyong pensyon para sa mga buwan ng Setyembre hanggang Nobyembre 2022.
Samantala, hindi naman maaaring mag-apply ang mga pensyonadong may kasalukuyang pagkakautang sa ilalim ng Pension Loan Program.
Lolo Tony, kinakailangan mong punan ang Application for Assistance Due to Calamity/Disaster Form na maaari mong i-download sa aming website (www.sss.gov.ph). Dapat ding sertipikahan ng Barangay Chairman ng inyong lugar ang form bilang patunay na kayo ay naninirahan sa apektadong lugar. Subalit, kung hindi ito nalagdaan ng inyong Barangay Chairman, maaari kayong magsumite ng sertipikasyon mula sa Department of Social Welfare and Development o NDRRMC na kayo ay naninirahan sa isa sa apektadong lugar. Maaari n’yo namang isumite ang form sa pinakamalapit na sangay ng SSS.
Hindi ito pautang kaya walang babayaran ang pensyonado ukol dito. Subalit, kung i-advance na sa inyo, Lolo Tony ang inyong pensyon, halimbawa, para sa mga buwan ng Setyembre hanggang Nobyembre 2022, ang muling pagtanggap n’yo ng buwanang pensyon ay sa buwan ng Disyembre 2022 kung saan kasama na rin dito ang inyong 13th month pension.
***
Nais naming ipaalam sa aming mga pensyonado na maaari silang mag-comply sa Annual Confirmation of Pensioners (ACOP) Program o ang taunang pagrereport ng mga pensyonado sa SSS hanggang Oktubre 31, 2022. Ang mga pensyonado na dapat tumugon sa ACOP ay mga retirement pensioners na naninirahan sa ibang bansa, total disability pensioner, survivor pensioner (death) at dependent (minor/incapacitated) pensioner sa ilalim ng guardianship.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”
Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.
Comments