@Editorial | May 19, 2021
Binuksan na ang ilang tourist attractions at leisure spots kasunod ng pagbaba ng community quarantine status na ngayon ay nasa general community quarantine (GCQ) with heightened restrictions sa NCR Plus.
Gayunman, mahigpit ang utos sa lahat ng police commanders na bantayan ang mga lugar pasyalan, kung saan inaasahan ang pagdami ng mga taong magsisilabasan.
Nitong weekend, nagsimula na ang mga tao na magtungo sa mga outdoor tourist attractions kung saan pinapayagan nang mag-operate — 30 percent capacity.
Todo-bantay ang mga nasabing lugar upang matiyak na nasusunod ang minimum health protocol.
Nauunawaan ng mga awtoridad na sabik na ang marami na lumabas ng bahay at makapamasyal, pero kung magiging pabaya at wala nang pakialam sa banta ng COVID-19, tiyak na tatagal pa ang sitwasyon at hindi na mawawala ang mga limitasyon.
Kaya utang na loob, huwag matigas ang ulo at ‘wag abusuhin ang paunti-unting kalayaan na ipinagkakatiwala sa atin sa gitna ng pandemya.
Ganito rin ang paalala sa mga nagbubukas na establisimyento, palaging ipatupad ang mga panuntunan. Batid natin ang kagustuhang makabawi sa nawalang kita pero, huwag hayaang malabag ang batas at malagay sa alanganin ang kaligtasan ng lahat.
Yorumlar