ni Ryan Sison @Boses | Feb. 16, 2025

Good news para sa ating mga mangingisda dahil ni-lift na ang tatlong buwang closed fishing season sa Zamboanga Peninsula at Visayan Sea.
Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), nitong February 16, muli nilang pinayagan ang mga commercial fisher na makapangisda ng sardinas at magpatuloy ng kanilang operasyon sa loob ng conservation area ng Zamboanga Peninsula, partikular na sa mga bahagi ng East Sulu, Basilan Strait at Sibuguey Bay.
Puwede na rin ngayon ang commercial fishing ng sardinas, herrings, at mackerels sa katubigan naman ng Visayan Sea.
Matatandaan na ipinatupad ng BFAR ang fishing ban o pagbabawal sa panghuhuli o pangingisda sa lugar noong November 15, 2024, bilang bahagi ng kanilang pagsisikap na pag-iingat at pangalagaan ang populasyon ng ilang uri ng mga isda na matatagpuan sa mga karagatang sakop ng rehiyon ng Visayas at Mindanao.
Gayundin, ang hakbang na ito ng kagawaran ay para mabigyan ng panahon ang pangingitlog at pagpaparami ng mga isda sa loob ng 6,000 square nautical miles conservation zone.
Mabuti at nabuksan na ang katubigang bahagi ng dalawang rehiyon at anumang oras ay maaari nang mangisda sa naturang lugar.
Matagal na rin naman ang tatlong buwang paghihintay ng ating mga commercial fisher, magigng ng mga mangingisda na sa mga panahong iyon ay naghanap sila ng ibang karagatan upang maipagpatuloy ang panghuhuli ng sardinas, mga katulad na uri nito at iba pang mga isda.
Sa ngayon marahil ay marami na silang makukuhang mga isda na kanila namang maibebenta sa mga pamilihan.
Paalala lamang sa mga kababayan nating mangingisda na mag-iingat na pumalaot, lalo na kung nakikita nilang malakas ang alon at may nagbabadyang unos.
Kung may babala naman ang kinauukulan ng bagyo o malakas na pag-ulan ay huwag na sanang subukan pang manghuli ng isda at sa halip ay hintayin na lamang na maging mapayapa uli ang karagatan bago mangisda.
Mahirap kasi na sumuong sa mapanganib na sitwasyon habang nangingisda, dahil baka ito pa ang ating ikapahamak.
Isipin na lang natin na kahit anong oras o araw ay puwede naman tayong mangisda na hindi nalalagay sa alanganin ang ating buhay. Mas mabuting pagkatapos ng lahat ng ating gawain ay ligtas tayong makakabalik sa ating pamilya.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comentários