ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | December 20, 2023
Dear Chief Acosta,
Ang empleyadong pinangasiwaan ko ay nagsampa ng reklamo ng ilegal na pagtanggal laban sa korporasyon at isinama ako sa kaso. Hindi ko siya tinanggal dahil wala akong kapangyarihan na tanggalin ang sinumang empleyado at ang katangian ng aking trabaho ay pangangasiwa lamang. Maaari ba akong managot kasama ng korporasyon sa nasabing kaso? - Trish
Dear Trish,
Ang sagot sa iyong katanungan ay tinalakay ng ating Kagalang-galang na Korte Suprema sa kasong “Polymer Rubber Corporation, et. al. vs. Bayolo Salamuding” (G.R. No. 185160, 24 July 2013), na isinulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Bienvenido L. Reyes, kung saan nakasaad sa desisyon nito ang mga sumusunod:
“corporation, as a juridical entity, may act only through its directors, officer and employees. Obligations incurred as a result of the directors’ and officers’ acts as corporate agents, are not their personal liability but the direct responsibility of the corporation they represent. As a rule, they are only solidarily liable with the corporation for the illegal termination of services of employees if they acted with malice or bad faith.
To hold a director or officer personally liable for corporate obligations, two requisites must concur: (1) it must be alleged in the complaint that the director or officer assented to patently unlawful acts of the corporation or that the officer was guilty of gross negligence or bad faith; and (2) there must be proof that the officer acted in bad faith.”
Batay sa nabanggit na desisyon, ang mga direktor, opisyal at empleyado ay mananagot kasama ng korporasyon para sa ilegal na pagtanggal sa serbisyo ng isang empleyado kung kumilos sila nang may masamang hangarin o kalooban.
Ayon sa iyo, hindi mo tinanggal sa trabaho ang empleyadong nagsampa ng reklamo laban sa iyo at sa korporasyon dahil wala kang kapangyarihan na tanggalin ang sinumang empleyado at ang katangian ng iyong trabaho ay pangangasiwa lamang.
Samakatuwid, hindi ka maaaring managot kasama ng korporasyon sa nabanggit na reklamo, maliban kung may patunay na ang nagrereklamong empleyado ay ilegal na tinanggal at kumilos ka nang may masamang hangarin o kalooban kaugnay nito.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comentários