ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | December 6, 2023
Dear Chief Acosta.
Ako ay may ipinagbiling alahas sa aking kaibigan sa halagang P50,000.00. Ayon sa aming kasunduan, ito ay kanyang babayaran sa loob ng limang buwan sa halagang P10,000.00 kada buwan. Alinsunod din sa aming usapan, siya ay magbabayad tuwing ika-limang araw ng buwan simula noong Agosto ng kasalukuyang taon. Subalit, simula nitong ika-5 ng Nobyembre, at magpahanggang ngayon ay hindi pa rin niya nababayaran ang ikaapat na buwanang kabayaran para sa alahas. Ano ang maaari kong gawin? Maaari ko ba kanselahin ang aming transaksyon at bawiin ang alahas? – Myrna
Dear Myrna,
Ang batas na nasasaklaw patungkol sa inyong katanungan ay ang Republic Act No. 386, Series of 1987 o mas kilala bilang The New Civil Code of the Philippines. Nakasaad sa Article 1484 na:
“Article 1484. In a contract of sale of personal property the price of which is payable in installments, the vendor may exercise any of the following remedies:
(1) Exact fulfillment of the obligation, should the vendee fail to pay;
(2) Cancel the sale, should the vendee's failure to pay cover two or more installments;
(3) Foreclose the chattel mortgage on the thing sold, if one has been constituted, should the vendee's failure to pay cover two or more installments. In this case, he shall have no further action against the purchaser to recover any unpaid balance of the price. Any agreement to the contrary shall be void.”
Sa kadahilanang ang inyong transaksyon ay may kaugnayan sa isang personal property na inyong ipinagbili nang hulugan, ang nabanggit na probisyon ng batas ang siyang naaangkop.
Batay sa nasabing probisyon ng batas, ikaw ay may karapatan na singilin ang natitirang kabuuang halaga na siyang katumbas ng kanyang obligasyon. Nakasaad din sa kaparehong batas na ang pagkansela ng inyong transaksyon ay maaari mo lamang gawin kung ang bumili ay bigong magbayad ng dalawang hulog, o higit pa. Inyong nabanggit na ang iyong kaibigan ay nabigong magbayad ng kanyang buwanang hulog nitong kasalukuyang buwan lamang, nangangahulugan na ang inyong rekurso ay ang paniningil sa kanya ng kanyang kabuuuang obligasyon, at hindi ang agarang pagkansela ng inyong transaksyon.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments