ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | January 6, 2024
Dear Chief Acosta,
Gusto kong makipaghiwalay sa asawa ko. Nalaman ko kasi na nagkaroon siya ng relasyon sa aking matalik na kaibigan bago kami ikasal. Napakabigat ng aking kalooban dahil sa nagdulot ito sa akin ng sama ng loob. Sana hindi na lang natuloy ang aming kasal. Ang nararamdaman ko tuloy ay hindi siya naging tapat sa akin at niloko niya lamang ako. Maaari ko bang gamiting dahilan ito upang kami ay tuluyan nang legal na makapaghiwalay? Sana ay magabayan ninyo ako ng payo. Maraming salamat at mabuhay kayo. - Chen
Dear Chen,
Bagama’t pakiwari mo ay niloko ka ng asawa mo sa hindi niya pag-amin sa kanyang naging karelasyon sa iyong matalik na kaibigan bago kayo ikinasal at pakiwari mo, siya ay hindi naging tapat sa iyo, mabuting linawin natin sa simula pa lamang na hindi lahat ng panloloko ay maaaring maging basehan para mapawalang-bisa ang isang kasal. Para sa iyong kaalaman, ipinagtibay ng Family Code of the Philippines ang mga uri ng panloloko na maaaring maging dahilan ng annulment:
“Art. 46. Any of the following circumstances shall constitute fraud referred to in Number 3 of the preceding Article:
Non-disclosure of a previous conviction by final judgment of the other party of a crime involving moral turpitude;
Concealment by the wife of the fact that at the time of the marriage, she was pregnant by a man other than her husband;
Concealment of sexually transmissible disease, regardless of its nature, existing at the time of the marriage;
Concealment of drug addiction, habitual alcoholism or homosexuality or lesbianism existing at the time of the marriage.
No other misrepresentation or deceit as to character, health, rank, fortune or chastity shall constitute such fraud as will give grounds for action for the annulment of marriage.”
Inilalahad ng nabanggit na batas kung ano lang ang mga uri ng panloloko na maaaring gamitin para sa pagpapawalang-bisa ng kasal. Ang paglilihim ng isang asawa sa kanyang naunang relasyon bago siya ikasal ay hindi kabilang sa mga nabanggit na dahilan para mapawalang-bisa ang kasal. Mismong ang Kataas-tasang Hukuman na ang nagbigay-linaw nito sa isa nilang desisyon kung saan sinasabi ang mga sumusunod:
“Non-disclosure of a husband's pre-marital relationship with another woman is not one of the enumerated circumstances that would constitute a ground for annulment; and it is further excluded by the last paragraph of the article, providing that "no other misrepresentation or deceit as to ... chastity" shall give ground for an action to annul a marriage. While a woman may detest such non-disclosure of premarital lewdness or feel having been thereby cheated into giving her consent to the marriage, nevertheless the law does not assuage her grief after her consent was solemnly given, for upon marriage she entered into an institution in which society, and not herself alone, is interested. (Anaya vs. Palaroan, G.R. No. L-27930, November 26, 1970, Ponente: Honorable Associate Justice Jose Benedicto Luna "J.B.L." Reyes)
Malinaw sa batas at sa nabanggit na desisyon ng Korte Suprema na sa kabila ng labis na sama ng loob na naidulot sa iyo ng iyong asawa dahil sa paglilihim niya ng nauna niyang relasyon bago kayo ikasal, hindi pa rin ito maituturing na panloloko para mapawalang-bisa ang inyong kasal. At dahil dito, mas makabubuti na makipagkasundo ka na lang sa iyong asawa, huwag nang balikan ang nakaraan at pagtuunan ng pansin ang inyong relasyon bilang mag-asawa para sa ikabubuti na rin ng inyong kinabukasan.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments