ni Ryan Sison - @Boses | April 15, 2021
Mas naging madali ang pagbiyahe sa loob ng NCR Plus bubble matapos buksan ang mas maraming ruta ng pampublikong sasakyan tulad ng tradisyunal at modern jeep, gayundin ang mga bus.
Bagama’t ikinatuwa ito ng mga pasahero at tsuper, kailangan pa ring magdoble-ingat dahil sa banta ng pandemya. Kabilang na rito ang pagsagot sa health declaration forms at paggamit ng contact tracing apps, social distancing sa loob ng sasakyan, gayundin ang pag-sanitize ng mga kamay pagkaabot ng bayad.
Gayunman, pinuna ng ilang pasahero ang umano’y kawalan ng contact tracing sa mga pampasaherong jeep matapos muling magbukas ng mas maraming ruta ngayong linggo.
Paliwanag ng mga pasahero, walang contact tracing na ginagawa sa mga jeep kumpara sa mga bus, bagay na inamin naman ng mga tsuper, kasabay ng paggiit na sumusunod sila sa ibang health protocols tulad ng social distancing at paglalagay ng plastic barrier sa pagitan ng mga pasahero.
Matatandaang naunang nagpaalala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mahigpit pagsunod sa health protocols sa PUVs.
Sa totoo lang, malaking problema ang kawalan ng contact tracing sa mga pampublikong sasakyan, lalo na sa mga jeep dahil kung tutuusin, napakaraming komyuter ang gumagamit nito bilang transportasyon.
At kung dito magmumula ang hawaan, paano pa natin mahahagilap ang mga may close contact?
Pero ‘ika nga, ‘pag may gusto, may paraan, kaya hindi kailangang sumabay sa teknolohiya dahil pinapayagan pa rin naman ang manu-manong contact tracing na isinusumite sa LTFRB kung wala pang Stay Safe App.
Kaya panawagan sa mga operator, aksiyunan ang bagay na ito. Alam natin ang kahalagahan ng contact tracing, kaya plis lang, galaw-galaw tayo para makatulong din sa gobyerno.
At pakiusap naman sa publiko, maging tapat at seryosohin ang contact tracing dahil wala tayo sa sitwasyon na puwedeng gawing biro ang mga hakbang kontra COVID-19.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments