ni Lolet Abania | September 28, 2021
Nagbabala ang Department of Agriculture (DA) sa publiko hinggil sa pagbili ng mga puslit na gulay dahil sa posibleng pagkakaroon ng pesticide residue nito, habang iniutos ng ahensiya ang pagkumpiska sa lahat ng shipments na pumapasok sa bansa na walang mga kaukulang permit.
Ayon kay Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar, inaanalisa na ng Bureau of Plant Industry (BPI) ang mga gulay na sinasabing ipinuslit sa bansa mula sa China.
“The best thing we can do meanwhile is not to buy kasi hindi natin alam ‘yung laman ng vegetables in terms of pesticide residue,” sabi ni Dar sa mga reporters sa isang virtual briefing ngayong Martes. Wala pang inisyu ang BPI ng anumang license to import ng mga karot, repolyo at luya sa mga pamilihan sa bansa, habang ayon kay Dar ang unit ay nag-isyu pa lamang ng mga permit sa frozen at processed vegetables na para sa mga embassies at hotels.
Agad na inalerto ng mga magsasaka sa Benguet ang DA at Bureau of Customs (BOC) hinggil sa mga smuggled carrots, kung saan nai-report na bumabaha ng mga ito sa mga palengke habang patuloy na nakikipagkumpetensiya sa mga local variety sa mas mababang presyo.
Hindi naman binanggit ni Dar ang tinatayang dami ng mga puslit na mga gulay dahil aniya, hindi ito nagdaan sa tamang channels kaya mahirap itong ma-estimate.
Giit pa ng DA chief, na bagaman ang ilang mga imported vegetables ay maaaring makilala sa hitsura nito, ang pinakamabuting paraan pa rin para matukoy ito ay sa pamamagitan ng testing. Una nang inatasan ni Dar ang BPI na analisahin ang mga shipment dahil sa pesticide residue, habang nagbabala rin sa publiko na ang mga imported shipment ay posibleng mayroong residue na hindi puwedeng kainin.
“We will advise the public na ‘wag tangkilikin ito, itong mga smuggled items,” sabi pa ni Dar. Naglabas na rin ng direktiba si Dar sa BPI, kung saan kumpiskahin ang lahat ng mga gulay na ipinupuslit, subalit ayon kay BPI director George Culaste mahirap itong mapatunayan.
“‘Pagka ‘yung nagbebenta na, medyo mahirap po nating kumpiskahin ‘yun kasi more on allegations. ‘Yung nagpapalusot supposedly, ‘yun ang huhulihin natin at the time na pinapalusot nila, huhulihin talaga natin ‘yan,” paliwanag ni Culaste sa naturang briefing.
Ayon kay Culaste, nakikipag-ugnayan na ang BPI sa Bureau of Customs (BOC) hinggil sa mga misdeclared goods na hindi nagdaan sa proper inspection, gayundin ang mga shipment na hinihinalang naglalaman ng mga smuggled agricultural items.
Kommentare