ni Anthony E. Servinio @Sports | April 26, 2023
Nagtala ng dobleng tagumpay ang host Polytechnic University of the Philippines Radicals at Lady Radicals at winalis ang kanilang ang mga tampok na laban kontra bisita Bestlink College of the Philippines sa 29th National Capital Region Athletic Association (NCRAA) Basketball Tournament noong Lunes sa PUP Gym sa Santa Mesa, Maynila.
Umarangkada rin ang PATTS College of Aeronautics sa kanilang ika-walong sunod at pinisa ang St. Dominic College of Asia, 69-65.
Itinulak ni Best Player Mark Jayson Morada ang PATTS sa 64-49 lamang at 3:29 sa orasan subalit biglang bumuhos ng 13 sunod-sunod na puntos ang St. Dominic at magbanta sa huling 44 segundo, 62-64. Kinailangan ng mga Seahorse ang shoot ni sentro Genesis Unas at tatlong free throw ni Norman Torreno upang makaiwas sa disgrasya.
Nagtapos si Morada na may 18 puntos at umakyat ang PATTS sa 8-1 at mag-isa sa pangalawang puwesto. Sumunod si Torreno na may 11, lahat sa second half. Walang awang tinambakan ng Radicals ang Kalasag, 86-68, at tumabla ang dalawang paaralan sa 2-7. Umapoy para sa 33 puntos at 11 rebound si Best Player Mark Nobleza.
Pareho ang kuwento sa panig ng kababaihan ng PUP at Bestlink, 90-37. Sumandal ang Lady Radicals kay Best Player Jobhie Jao na pumukol ng tatlong three-points na hudyat ng kanilang pag-iwan sa Lady Kalasag.
Samantala, pinutol ng Immaculada Concepcion College ang kanilang dalawang magkasunod na talo at pinayuko ang Asian Institute of Maritime Studies, 91-71, at bigyan agad ng panalo ang bagong talagang Coach Joseph Gumatay. Napiling Best Player si Jomark Labio na may 14 puntos.
Lumapit ang Philippine Merchant Marine School sa pinto ng quarterfinals at wagi sa De La Salle University-Dasmarinas, 74-71, para sa kartadang 5-3.
Comentários