ni Zel Fernandez | May 12, 2022
Kasunod ng pagkalat ng viral video na nagpapakitang pinagpupunit ng mga unipormado ang mga balota sa Cotabato City, tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) na magiging transparent umano ito sa imbestigasyon ng insidente.
Bunsod ng takot ng mga guro sa nabanggit na lungsod, umatras ang mga ito kaya nagsilbing electoral board members ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) nitong halalan.
Kaya para kay Comelec Commissioner George Garcia, "unfair" umanong sabihin na ang mga pulis ang gumawa ng pagpunit sa mga balota dahil maaari aniyang nagpapanggap lamang ang mga sangkot bilang law enforcer, ngunit hindi naman tunay na miyembro ng mga awtoridad ang mga ito.
Gayunman, kung totoo raw aniya na mga pulis mismo ang pumunit sa mga balota, hindi umano ito aksidente kundi sinadya.
Paliwanag ni Garcia, hindi aniya laging 100% ang voter turnout sa isang presinto kaya mayroong natitirang mga balota na kailangan umanong i-account sa harap ng watchers.
Paglalarawan pa nito, ang mga sobra o natirang mga balota ay pupunitin nang pahaba, hahatiin at isisilid sa dalawang magkahiwalay na lalagyan kung saan ang isa ay para sa ballot box, habang ang kalahati naman ay sa envelope na may sulat na "excess ballots".
Giit pa ni Garcia, mahalaga aniya ang naturang proseso, partikular sa mga kaso ng electoral protest, sapagkat kailangan umanong magtugma ang bilang ng mga hindi nagamit na balota sa bilang ng registered voters na bumoto sa araw ng eleksiyon.
Comments