top of page
Search
BULGAR

Pumatol sa pamilyadong kapitbahay pero takot mabuking ng mister

ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | June 6, 2022


Dear Sister Isabel,


Gusto kong humingi ng payo sa inyo tungkol sa aking problema.


May lihim kaming ugnayan ng kapitbahay ko. Nagkikita kami nang palihim dahil may asawa na siyang nagtatrabaho sa abroad at matagal nang hindi umuuwi. Ang asawa ko naman ay seaman at bihira namang umuwi.


Noong umpisa ay parang wala lang ang pagbibiruan namin ng kapitbahay kong ito, pero nang lumaon ay nahulog na ang loob namin sa isa’t isa. Lumalim ang pagtitinginan namin hanggang naramdaman naming umiibig na pala kami sa isa’t isa. Gusto ko nang tapusin ang ugnayan namin, pero ayaw niya dahil naililihim naman daw namin.


Masaya kaming dalawa tuwing nagniniig kami. Kaligayahang walang katulad at sa palagay ko ay labis din akong masasaktan kapag tuluyan ko nang tinapos ang relasyon namin. Sister, ano ang dapat kong gawin? Nakokonsensiya na ako sa relasyon namin at nag-aalala ako dahil baka matuklasan ng aming mga asawa ang ginagawa namin. At kahit mahusay kaming magtago, hindi talaga maaalis sa ‘kin ang pag-aalala.


Nawa’y mapayuhan n’yo ako ng nararapat gawin sa paraang makakayanan naming dalawa ang pagputol sa ugnayan naming ito.


Nagpapasalamat,

Thelma



Sa iyo, Thelma,


Alam mong mali ang pinasok mo. Kasalanang mortal at malaking eskandalo ‘yan, bukod pa sa parehong mawawasak ang pamilya n’yo. Huwag mo nang patagalin pa, kaya tigilan mo na ang kahibangan n’yo ng kapitbahay mo dahil hindi pag-ibig ‘yan, sa halip ay tawag ng laman dahil sa pagkauhaw n’yo sa kani-kanyang asawa na parehong nagtatrabaho sa abroad.


Gumising ka na sa katotohanan na may pamilya ka at siya ay ganundin. Kung magagawa mong lumipat ng tirahan na malayo sa kanya, gawin mo na sa lalong madaling panahon bago mahuli ang lahat. Putulin mo na ang kalokohan mo at mamuhay ka nang walang bahid ng dungis bilang isang may-asawang tao. Huwag mong lokohin ang mister mo dahil may balik sa iyo ‘yan, kung saan ikaw ang higit na magdurusa sa ginagawa mo.

Tama na ang inyong kahangalan. Huwag ka nang magpaalam sa kanya at tulad ng nabanggit, lumipat ka na ng tirahan at tuluyan nang lumayo. Natitiyak ko na maiintindihan niya kung bakit mo ‘yan ginagawa at magigising siya sa katotohanan na mali ang relasyong nasimulan n’yo.


Hindi pa naman huli para ilagay mo sa tama ang iyong sarili. Patnubayan ka nawa ng Maykapal at huwag nang magkasala pa.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page