ni Zel Fernandez | May 9, 2022
Mariing itinanggi ng public opinion polling body na Pulse Asia Research, Inc. ang lumabas na mayoralty survey sa bayan ng Bocaue, Bulacan kahapon ng Linggo, kulang isang araw bago ang eleksiyon ngayon.
Taliwas sa kumalat na Facebook post mula sa Bocaue, mariing itinanggi ng Pulse Asia na sila ang nagsagawa ng naturang survey na nagpakita ng voter preference sa pagitan ng dalawang magkatunggaling mayor sa bayan nito.
Batay sa larawan ng art card na naka-post sa social media, tinukoy na source ng naturang survey ang Pulse Asia, kung saan makikitang nakakuha umano si Bocaue incumbent mayor candidate JJS Santiago ng 77% kontra kay running mayor JJV Villanueva na mayroong 15%, habang nasa 8% naman umano ang mga undecided.
Ayon sa pahayag ng polling firm, "Pulse Asia Research, Inc. did not conduct a survey in Bocaue."
"We will take the requisite legal action to hold the party that posted this fabricated liable," dagdag pa nito.
Ang mga magkatunggaling kandidato sa pagka-mayor ng Bocaue, Bulacan ay nasa katauhan nina Jose Cruz Santiago, Jr. (JJS Santiago) ng PDP-Laban at Eduardo Jose Villanueva, Jr. (Jonjon JJV Villanueva) ng National Unity Party at anak ni Jesus Is Lord Church president-founder Bro. Eddie Villanueva.
Samantala, kasunod ng pahayag ng Pulse Asia tungkol sa lumabas na pekeng survey, kapansin-pansing burado na ang pagkaka-post nito sa Facebook page na Team Bocaue Support GROUP, ngunit nakarating na sa kinauukulan ang mga screenshots nito.
Kasalukuyan pang inaalam ng pamunuan ng Pulse Asia Research, Inc. ang pinagmulan at kung sino ang may pananagutan sa naturang false survey sa nabanggit na bayan.
Comments