top of page
Search
BULGAR

Pulitika at teknolohiya, sanhi ng dating palpak na single ticketing system

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Enero 3, 2023


Kung magiging matagumpay ang pagpapatupad ng single ticketing system na inaasahang planong umpisahan ngayong pagpasok ng unang quarter ng taon ay masasabi nating hulog ito ng langit para sa mga motorista na naninirahan sa labas ng Metro Manila.


Dahil matagal nang dumaranas ng pighati ang mga motoristang naninirahan sa mga karatig-lalawigan na kailangan pang bumalik ng Metro Manila kung saang lugar sila nahuli dahil sa paglabag sa batas-trapiko para tubusin lamang ang kanilang lisensya.


Nitong Nobyembre noong nakaraang taon ay naisip ng bagong pamunuan ng Land Transportation Office (LTO) na pairalin ang single ticketing system, kaya agad silang nagsagawa ng mga consultative meeting sa iba’t ibang stakeholders.


Ang panukala ng LTO ay naglalayong mapag-isa ang ibig sabihin ng traffic violations at karampatang multa dahil sa bagong single ticketing system ang traffic violators ay nakatakdang magbayad ng mapagkakasunduang standard na halaga ng multa kahit saan lugar man naganap ang paglabag.


Pakay pa umano ng LTO na makatulong ang single ticketing system sa pag-unlad ng daloy ng trapiko dahil kaakibat umano ng pagpapatupad nito ay ang pag-monitor at paglalagay ng demerits points sa mga maangas na tsuper at ayaw sumunod sa mga enforcer.


Sa pamamagitan umano nito ay magkakaroon ng ngipin ang pamahalaan na tutukan at bantayan ang performance ng mga tsuper dahil sa ‘common demerit point system’, ngunit hindi umano nito pakay na itaas ang kasalukuyang umiiral na multa.


Sa single ticketing system nga naman, kapag ang motorista na naninirahan sa labas ng Metro Manila ay naisyuhan halimbawa ng traffic violation receipt sa Makati City ay hindi na kailangang bumiyahe pa pabalik ng Makati City dahil magkakaroon na ng access sa pagbabayad sa pamamagitan ng payment centers online.


Mabilis naman tumugon ang Metro Manila mayors sa panukala ng LTO at agad ngang pinasuspinde ang pagkukumpiska sa mga lisensya ng mga masasakoteng tsuper na may paglabag sa batas-trapiko hangga’t hindi naisasa-pinal ang mga panuntunan hinggil ng LTO.


Maging ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ay nakiisa sa Metro Manila mayors na magkaroon ng interconnection sa kani-kanilang database para sa panukala ng LTO na single ticketing system.


Maging si Department of Interior ang Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos ay kumbinsidong dapat simulan ngayong unang quarter ng taon ang pagpapatupad ng single ticketing system at itigil na ang pagkumpiska ng lisensya ng mahuhuling tsuper.


Sa ngayon ay pinaplantsa na ng LTO at 17 local governments sa Metro Manila ang kung paano ipatutupad ang sa tingin nila ay napakagandang panukalang ito.


Pero nais lang nating ipaalala na hindi na bago ang hakbangin dahil noong Marso 1, 2012 ay nagsama-sama na rin ang 17 mayors ng Metro Manila at MMDA na ipatupad ang kopyang-kopyang panukala na single ticketing system sa pangunguna ni Francis Tolentino na noon ay MMDA Chairman pa lamang.


Ngayon ay heto na naman tayo, umaasa ang publiko na ang muli ninyong pagbuhay sa patay ay magkakaroon ng magandang resulta, sa tingin ng marami ay problema sa pulitika at usaping teknolohiya ang ilan sa dahilan kaya hindi nagtuluy-tuloy ang single ticketing system.


Maganda ang layunin ng panukalang ito, sana lang ay huwag madaliin kung hindi naman kayang ipatupad ng pulido ang sistemang ito, kayo lang naman ang nagsasabi na dapat itong umpisahan ngayong unang quarter ng taon at wala namang pumupuwersa sa inyo.


Hindi rin masamang manggaya, ang masama ay nanggaya na nga lang pero mas malala pa—nakakahiya na ‘yun!

 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page