by News @Balitang Probinsiya | Oct. 4, 2024
Camarines Norte — Isang pulis na umawat sa away ang napatay nang barilin sa ulo ng isang salarin kamakalawa sa Brgy. Palanas, Paracale sa lalawigang ito.
Hindi na muna pinangalanan ang nasawing biktima hangga’t hindi pa naipapabatid sa pamilya nito ang kanyang pagkamatay.
Ayon sa ulat, nagsasagawa ng intelligence gathering ang pulis sa nasabing barangay nang makita nitong nagtatalo sina alyas "Loloy" at alyas "Boy" tungkol sa pinag-aagawan nilang lupa.
Nang lumapit ang pulis para umawat ay biglang binaril ni "Loloy" sa tiyan si "Boy" at pagkaraan ay binaril din sa ulo ang nasabing otoridad.
Nabatid na namatay sa pinangyarihan ng krimen ang pulis, samantalang ginagamot pa sa ospital si "Boy" habang naglunsad na rin ng manhunt operation ang mga operatiba para madakip ang salarin.
RESORT, NASUNOG
ILOCOS NORTE -- Isang resort ang tinupok ng apoy kamakalawa sa Brgy. Saud, Pagudpud sa lalawigang ito.
Sa kahilingan ng may-ari ng resort ay hindi na isinapubliko ng mga otoridad ang pangalan ng nasabing establisimyento.
Ayon sa ulat, nakita ng mga kawani ng resort na biglang sumiklab ang sunog sa main office ng naturang establisimyento.
Wala namang iniulat na nadisgrasya sa naganap na insidente.
Sa imbestigasyon ng mga otoridad ay napag-alaman na faulty wiring ang sanhi ng sunog sa resort.
BIGTIME TULAK, TIKLO SA DRUG-BUST
ILOILO CITY -- Isang bigtime drug pusher ang nadakip sa drug-bust operation ng mga otoridad kamakalawa sa Zone 6, Boulevard Village, Molo District sa lungsod na ito.
Ang suspek ay kinilala ng pulisya na si Stephen Suria, 45 at residente ng naturang lugar.
Ayon sa ulat, naaresto ang suspek nang pagbentahan nito ng shabu ang mga operatibang nagpanggap na buyer ng illegal drugs.
Napag-alaman na nakakumpiska ang mga otoridad ng 200 gramo ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng suspek.
Nakapiit na ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
DALAGITA, PATAY SA KURYENTE
AKLAN -- Isang 13-anyos na dalagita ang namatay nang makuryente kamakalawa sa kusina ng kanilang bahay sa Brgy. Ginictan, Altavas sa lalawigang ito.
Sa kahilingan ng pamilya ng biktima ay hindi na pinangalanan ang biktima na residente sa nasabing barangay.
Ayon sa ulat, habang nasa kusina ng kanilang bahay ang dalagita ay napahawak ito sa live wire kaya nakuryente.
Napag-alaman na nagtamo ng 3rd degree burns sa buong katawan ang biktima.
Agad na dinala ng kanyang mga kamag-anak ang biktima sa ospital, pero idineklara itong dead-on-arrival.
Comments