ni Ryan Sison @Boses | Jan. 12, 2025
Tama lang na tanggalin sa serbisyo ang sinumang pulis na raraket na bodyguard sa mga pulitiko.
Ito ang tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Chief, Gen. Rommel Francisco Marbil, na masisibak ang pulis na masasangkot sa moonlighting o pagbibigay ng private security sa mga kandidato sa 2025 midterm elections.
Ayon sa PNP chief, “strictly not allowed” o mahigpit na ipinagbabawal ang ganitong uri ng gawain sa kanilang hanay at may parusahang hahantong sa pagkakasibak sa tungkulin ang mahuhuling pulis na involved dito.
Paliwanag ni Marbil, nakalaan lamang ang mga security escort na inaprubahan ng Commission on Elections (Comelec) kung may lehitimong threat o banta sa buhay ng mga pulitiko.
Pero aniya, kailangan munang pag-usapan nila ng poll body ang mga polisiya patungkol dito, at hanggang sa dalawang police escort lang ang maaaring ibigay sa isang kandidato.
Binalaan naman niya ang mga pulis na lalabag sa naturang kautusan na matatanggal sila sa serbisyo at ang mga kasamahan nilang magtatangkang protektahan sila ay makakasuhan din.
Binigyang-diin pa ng opisyal na hindi nila kukunsintihin ang anumang uri ng paglabag sa kanilang organisasyon.
Mahusay ang naging pasya ng ating kapulisan na sibakin ang sinumang pulis na gustong mag-sideline na security escort sa mga pulitiko.
Hindi naman talaga nila trabaho ang bantayan lang ang mga kandidato dahil ang sinumpaan nilang tungkulin ay protektahan at siguruhin ang kaligtasan ng mga mamamayan, at panatilihin ang kapayapaan at katahimikan ng ating bayan.
Para ano pa ang kahulugan ng motto ng mga pulis na “to serve and protect” the public kung hindi naman ito ang kanilang gagawin.
Kaya sa mga kababayan nating pulis, upang hindi na umabot sa puntong tuluyang matanggal sa serbisyo ay huwag nang subukan o tangkaing makipagtransaksyon sa mga pulitiko na nais na maging bodyguard nila. Itutok na lamang ang isip sa pagtupad sa mga tungkulin para hindi mapahamak.
Sa kinauukulan, sana ay walang makalusot na pasaway na pulis at sakaling mayroon man, dapat tugisin at tiyaking sila ay parurusahan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments