ni Lolet Abania | March 9, 2021
Arestado ng mga awtoridad ang isang magtiyuhin matapos makakumpiska sa kanila ng tinatayang P108 milyong halaga ng hinihinalang shabu na nasa pack ng Chinese tea sa Barangay West Rembo, Makati City kagabi.
Sa ulat, isang buy-bust operation ang isinagawa ng mga awtoridad nu'ng Lunes nang gabi kung saan isang pulis ang nagpanggap na buyer na nakabili ng isang kilo ng hinihinalang shabu mula sa mga suspek.
Agad na hinuli ng mga operatiba ng Philippine National Police ang mga suspek na nasa sasakyan at tumambad sa kanila ang isang maleta na may lamang 16 kilo ng hinihinalang shabu na naka-vacuum seal habang ang iba pa ay nasa packaging ng Chinese tea.
Aabot sa P108 milyon ang street value ng nasabat na kontrabando. Tumangging magbigay ng detalye ang pulisya sa pagkakakilanlan ng magtiyuhing suspek dahil sa isasagawa nilang follow-up operation upang matukoy ang nagsu-supply sa mga big-time pusher.
Depensa naman ng isa sa mga naaresto, pinagmaneho lamang niya ang kasama dahil sa sideline niya ito, subalit kung alam niyang ilegal na droga ang laman ng sasakyan, hindi niya ito ipagmamaneho.
Inihahanda na ang kasong isasampa laban sa mga suspek.
Kommentare