by Info @Editorial | Mar. 5, 2025

Pinangangambahan ng Presidential Anti Organized Crime Commission (PAOCC) na posibleng ang mga ‘wanted person’ sa China at ibang bansa sa Southeast Asia ay ginagawang taguan ang ating bansa.
Ito ay matapos na makumpirma sa pamamagitan ng biometrics ang 13 pugante mula sa China na may kasong illegal gambling, online fraud at online scamming. Kabilang sa mga naaresto ay mula sa sinalakay na scam hub sa Pasay City.
Nabatid sa ulat na umabot sa mahigit 400 banyaga mula sa China, Korea, Malaysia, Vietnam, Indonesia, Cambodia, Myanmar at Madagascar ang naaresto sa bansa.
Napag-alaman na nagpapalit ng mga pangalan ang mga wanted person kaya sa pamamagitan lamang ng biometrics sila nakikilala at sa koordinasyon sa Chinese authorities.
Kaya hamon sa mga otoridad ang pagtugis sa mga dayuhang may tinatakasang kaso sa ibang bansa at dito sa ‘Pinas nagtatago pero namamayagpag sa paggawa ng ilegal.
Idamay na rin sa operasyon ang mga sangkot o protektor ng mga dayuhang ito.
Hindi naman siguro sila maglalakas-loob na magtago sa bansa nang walang kinakapitan.
Panawagan din sa mamamayan, kung may kahina-hinalang tao, grupo, negosyo o gawain sa komunidad, agad na i-report sa kinauukulan. Huwag nating hayaan na magamit ang ating bansa ng mga sindikato.
Comments