ni Anthony E. Servinio @Sports | July 7, 2024
Itinumba ng Puerto Rico ang mabigat na paboritong Belgium sa semifinals ng 2024 FIVB Challenger Cup for Women kahapon sa Ninoy Aquino Stadium. Tatlong set lang ang kinailangan – 25-19, 25-15 at 25-16 – para sa pinakamalaking gulat ng torneo.
Agad pumorma ang Puerto Rico sa likod nina Diana Reyes, Paola Nicole Santiago at ang 18 anyos na si Grace Mar Lopez. Ipinakita ng Puerto Rico ang lalim ng koponan at sina Stephanie at Wilmarie Rivera ang namayani sa pangalawang set bago tinapos nina Santiago at Lopez ang trabaho.
Umatake si Santiago para sa kabuuang 13 puntos habang sumuporta si Lopez na may 10. Si Pauline Martin ang nagtaguyod sa FIVB World #13 Belgium na may siyam na puntos lang.
Hihintayin na ng mga FIVB #15 Puerto Rican ang magwawagi sa kabilang semifinal sa pagitan ng Czech Republic at Vietnam para sa kampeonato at tiket sa 2025 Volleyball Nations League (VNL) ngayong Linggo. Ang Belgium at ang isa pang matatalong koponan ay paglalabanan ang pangatlong puwesto.
Samantala, babawi ang Alas Pilipinas mula sa kanilang pagkatalo sa Vietnam noong Biyernes at sunod na tututukan ang kanilang pagsabak sa Southeast Asian Volleyball League (SEA V.League) o ang dating kilala bilang ASEAN Grand Prix. Magkikita muli sila ng mga Vietnamese at ang iba pang bigatin ng rehiyon Thailand at Indonesia sa dalawang yugto sa Vietnam mula Agosto 2 hanggang 4 at sa Thailand mula 9 hanggang 11.
Comments