ni Jasmin Joy Evangelista | November 5, 2021
Hindi pa rin bukas ang Puerto Prinsesa City sa Palawan sa mga turista mula sa labas ng siyudad.
Nasa 900 ang active cases sa siyudad at limitado rin ang health care facilities nila.
"Mahigpit talaga dito compared doon sa ibang LGUs kasi ang health care system namin dito, menos na menos din compared sa ibang LGUs. Ang mga ospital dito ang liliit tapos hindi lang taga city ang kine-cater niyan, pero sa ibang munisipyo din," ayon kay Mayor Lucilo Bayron.
“As of now, puno ang aming hospitals, di makapasok ang mga patient, for example COVID patient on the same day, aabutin pa ng 1 day or 2 days kaya, kailangan namin proteksyunan ang ating health care system," dagdag pa ni Mayor Bayron.
Sa mga turistang papasok sa siyudad, kabilang sa mga kailangang requirements ay negatibong RT-PCR test, vaccination card na nagpapakitang fully-vaccinated, S-pass registration, airline ticket, travel order na nagpapakitang authorized person outside of residence o APOR at iba pa.
Ayon pa kay Mayor Bayron, inuunti-unti na nila ang pagbubukas ng kanilang ekonomiya.
“Hindi pa kami tumatanggap ng tourists as of now kasi ang feeling namin, kung iopen namin ang doors namin for tourism, walang takers pa. Iyong mga hotel closed, iyong mga restaurant ay hindi nag-ooperate kaya sabi namin buhayin muna ang local economy," sabi ni Mayor Bayron.
Posible raw na sa Abril sa susunod na taon ay mas maging maluwag na sila sa kanilang turismo.
Opmerkingen