ni Ryan Sison @Boses | Dec. 3, 2024
Tiyak na mas marami ang nagre-ready hindi lang sa nalalapit na kapaskuhan, kundi pati na rin sa pagsalubong ng Bagong Taon.
Kaya naman sinimulan na ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang kanilang kampanya na ‘iwas paputok’ para sa holiday season kung saan nag-iikot na ang kagawaran sa Pasig City.
Paalala ng BFP, dahil sa kabi-kabilang selebrasyon at mga party na ang gagawin dapat na maging maingat ng taumbayan at iwasan na lamang ang paggamit ng mga mapanganib at malalakas na paputok na maaaring magdulot ng sunog at disgrasya.
Makatutulong ito upang mabawasan ang mga tinatawag na fire-cracker related injury na naitatala bawat taon.
Pahayag pa ng BFP, maaaring salubungin ang Bagong Taon sa pamamagitan ng paggamit ng mga pampaingay na kaldero, torotot at iba pa.
Mabuti at habang maaga ay naglabas na ng abiso ang kinauukulan hinggil sa pag-iwas natin sa mga paputok.
Subalit, may iba talaga na sadyang matitigas ang ulo na nagsisimula na ring mag-ipon ng kanilang mga paputok at itinatago pa ito paisa-isa sa kanilang tahanan.
Sa ganang akin, kung gusto talaga nating mag-ingay sa pagsalubong sa New Year na nakaugalian na rin nating mga Pilipino, dahil sa itinuturing itong pampasuwerte sa atin, ay gumamit na lamang ng ibang paraan. Puwedeng paingayin ang ating mga radyo, buksan ang mga sasakyan at magbusina, gumamit ng mga tambol, at marami pang iba.
At sa halip na isipin natin ang bumili ng mga paputok ay ilaan na lamang sa pagkain na ating pagsasalu-saluhan.
Alalahanin natin na mahirap na maputulan ng daliri, kamay, paa at iba pang parte ng ating katawan o posibleng ito rin ang maging mitsa ng ating buhay.
Mas mabuting magdiwang ng Pasko at Bagong Taon na kumpleto at maayos at kasama ang ating pamilya.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
留言