ni Ryan Sison @Boses | Mar. 5, 2025

Ngayong ramdam na ramdam na natin ang tag-init, marami sa atin ang kani-kanyang diskarte na para magpalamig lalo na kung nasa loob lamang ng bahay na kadalasan ang resulta ay sabay-sabay na paggamit ng kuryente.
Ayon sa Department of Energy (DOE) kailangang magtipid sa paggamit ng kuryente, lalo na sa panahon ng tag-init.
Paliwanag ni Energy Secretary Raphael Lotilla na kapag walang kontrol sa konsumo ng kuryente, magdudulot ito ng malaking problema sa power grid na maaaring magresulta sa kakulangan sa supply ng kuryente at ang pagtaas ng singil nito.
Payo ng kagawaran, iwasan muna ang gumamit ng mga appliance na malakas kumonsumo ng kuryente, mula alas-11 ng umaga hanggang sa alas-3 ng hapon kapag weekdays habang alas-6 ng gabi hanggang alas-9 ng gabi naman tuwing weekends.
Sinabi ni Lotilla na sa lungsod ng Visayas, hindi na sumasapat ang available generating capacity kumpara sa peak demand nito. Aniya, ang Visayas ay meron lamang 3.040MW capacity, pero ang peak demand ay umabot na sa 3,111MW, na pinangangambahan nilang hindi na maging sapat ang supply ng kuryente sa nasabing lugar.
Para sa Luzon naman, ang peak demand ay nasa 14,760MW, samantalang nasa 15,504MW ang kapasidad nito. Gayundin sa Mindanao, nasa 2,789MW ang peak demand habang ang kapasidad ay 3,314MW.
Tuwing tag-init tumataas ang demand sa kuryente dahil sa ginagamit na appliances upang malamigan sa pang-araw-araw gaya ng electric fan, air conditioner, refrigerators
at iba pa.
Marahil, tama lang na simulan natin na magbawas ng konsumo o paggamit ng ating mga kuryente.
Tuwing tag-init kasi madalas ay naglalabas ang gobyerno ng anunsyo ng red at yellow alert dahil nagkukulang ang supply ng kuryente o kulang na ang reserba nito.
Sa ganitong paraan na less electric consumption, hindi lamang tayo nakakatulong sa ating power grid na siyang nagsu-supply ng kuryente, nakakatipid din tayo sa pagbabayad sa ating electric bills.
Kumbaga, may dual purpose ang gagawin nating savings na ito habang hindi rin magiging mabigat para sa atin.
Isa pa, hindi mainam sa ating appliances na sabay-sabay itong gamitin at ‘yung malalakas pa. Madali itong masisira at puwedeng magdulot ng short circuit na maging sanhi naman ng sunog.
Gayunman, kung hindi talaga natin mapigilan na gumamit ng kasangkapang de-kuryente nang magkakasabay ay huwag na lamang iyong matataas ang boltahe at sa sinasabing peak hours para hindi tayo magkaproblema.
Sa mga kababayan, wala namang mawawala kung susundin natin ang panawagan ng kinauukulan na magtipid sa kuryente dahil para sa akin, mas makabubuti ito sa lahat.
At kung gusto nating malamigan o magpalamig ay dalasan na lamang natin ang maligo pero dapat huwag din tayong mag-aksaya ng tubig.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Commentaires