ni Lolet Abania | May 20, 2021
Dahil sa pangamba ng publiko sa unang lumabas na pahayag na hindi na ipapaalam sa mga vaccination sites ang brand ng COVID-19 na ibabakuna upang maiwasan ang pagiging mapili ng mga tatanggap nito, nilinaw ng Department of Health na ipapaalam pa rin naman kung anong brand ng COVID-19 vaccine ang ituturok bago mismo ang pagbabakuna.
“'Pag sinabi naman na hindi natin ia-announce ‘yung brand, we are not going to announce the brand as of [that] day,” ani DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang interview ngayong Huwebes.
“Siyempre, bago ‘yan ibakuna sa inyo, sasabihin ano ‘yung ibibigay,” sabi naman ni Dr. Gloria Balboa, ang DOH regional director sa Metro Manila sa isa ring interview ngayong araw.
Ayon sa mga opisyal, ang bagong strategy na ito ay bahagi ng kanilang solusyon para maiwasan ang pagdagsa ng mga tao sa vaccination sites. Anila, ito ang naging desisyon ng DOH makaraang dumugin ang mga vaccination sites sa Parañaque at Manila nito lamang linggo dahil nabatid ng mga tatanggap ng bakuna na Pfizer vaccines ang ituturok sa kanila.
Matapos ang naturang insidente, sinabi ng ahensiya na ang available na brand ng vaccines ay hindi na iaanunsiyo sa publiko bago pa ang pagbabakuna.
Paliwanag ng DOH, sakali naman na tumanggi sa vaccination dahil sa mas gusto nila ang ibang brand na iturok sa kanila, babalik sila sa dulo ng linya o pipila ulit sila sa hulihan ng pagbabakuna.
“All of these vaccines that are in the country are going to protect them,” diin ni Vergeire.
“Wala naman pong isang mas magaling o magiging mas epektibo para sa kanila.”
Sinabi pa ni Vergerie na nagsasagawa na rin ang DOH ng masidhing information campaign para mabigyang pansin ang isyu tungkol sa COVID-19 vaccines.
Matatandaang hinimok ni Senator Risa Hontiveros ang DOH na irekonsidera ang kanilang polisiya na non-disclosure ng brand ng bakuna bago ang pagbibigay nito dahil lalong magdudulot ito ng pagdududa sa publiko sa vaccination program ng gobyerno.
Subalit sa isang statement, ayon sa DOH, “Not announcing what brand will be available in inoculation sites will not take away the right of individuals to be informed of the vaccine they are taking.”
“The vaccination process entails on-site vaccine education, proper recording using vaccination cards, and monitoring for Adverse Events Following Immunization,” dagdag pang pahayag ng ahensiya.
Komentāri