top of page
Search

Publiko, mas iinit sa back-to-back taas-singil sa kuryente at tubig

BULGAR

by Info @Editorial | Mar. 15, 2025



Editorial

Kasabay ng init ng panahon, tiyak na mas iinit ang ulo ng mamamayan dahil sa inaasahang taas-singil sa kuryente at tubig.


Ngayon pa lang ay inabisuhan na ng Independent Electricity Market Operator of the Philippines Inc. – Wholesale Electricity Spot Market ang publiko hinggil sa posibleng pagpapatupad ng taas-singil sa kuryente sa Mayo.


Nabatid na ang Electricity Market Operator of the Philippines Inc. – Wholesale Electricity Spot Market ang pinagkukunan ng supply ng kuryente ng Meralco na siya namang nagbebenta ng kuryente sa buong Metro Manila at mga kalapit na lalawigan.


Posible umabong umabot sa anim na piso ang itataas sa singil sa kuryente sa Mayo, panahon na peak ang demand sa kuryente dahil na rin sa nararanasang init ng panahon.


Samantala, bago ang dagdag-singil sa kuryente, mauuna munang magtaas ang singil sa tubig sa Abril, para sa mga regular customer ng Manila Water sa Metro Manila at karatig lalawigan.


Ang taas-singil sa tubig ay ipatutupad matapos aprubahan ang Foreign Currency Deposit Adjustments (FCDA) o tariff adjustment sa Manila Water Company Inc.


Bagama’t ang mga kumpanya ng kuryente at tubig ay may mga dahilan sa likod ng kanilang hakbang, nananatili ang tanong: saan na patungo ang ating mga mamamayan kung ang mga basic na serbisyo ay patuloy na nagiging hindi abot-kaya? 


Ang gobyerno ay may malaking papel upang tiyakin na ang mga pagtaas ng singil ay may makatarungang basehan at hindi magdudulot ng labis na pagdurusa sa mga mamamayan. 


Sa huli, ang back-to-back na taas-singil sa kuryente at tubig ay isang malinaw na senyales na ang mga mamamayan ay patuloy na nakikipaglaban sa mga hamon ng buhay. 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page