top of page
Search

Publiko, maging maingat sa mga ipino-post sa socmed

BULGAR

ni Ryan Sison @Boses | Jan. 17, 2025



Boses by Ryan Sison

Dapat na mas maging maingat ang publiko sa paggamit ng social media at pag-access sa internet, lalo na ang pagpapadala ng mga photo o video sa sinuman.

Batay sa Philippine National Police (PNP), tumaas ang mga kaso ng voyeurism at cyberlibel noong 2024.


Ayon kay PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) Chief Brig. Gen. Bernard Yang, ang mga naiulat na kaso ng cyberlibel ay umakyat ng 4 na porsyento, mula 1,403 noong 2023 na naging 1,458 noong 2024, habang ang mga kaso ng voyeurism ay tumaas ng 18 porsyento, mula 294 noong 2023 na naging 347 noong nakaraang taon.


Binigyang-diin ni Yang ang bigat ng naturang offenses na nagdudulot ng malaking pinsala sa mga indibidwal, nakakasira ng reputasyon, at paglabag sa personal privacy.

Paliwanag niya, ang pagdami ng mga photo at video voyeurism, partikular na sa mga dating magkasintahan, ay higit na hinihimok ng mga tinatawag na act of revenge o emotional retaliation.


Sa ilalim ng Republic Act (RA) 10175 o ang Cybercrime Prevention Act, ang cyberlibel ay may parusang anim hanggang walong taong pagkakakulong o multa mula P40,000 hanggang P1.5 milyon. Habang ang RA 9995 o ang Anti-Voyeurism Act of 2009 ay nagpaparusa ng voyeurism, na may tatlo hanggang pitong taong pagkakakulong, multang mula P100,000 hanggang P500,000 o pareho.


Sinabi naman ni Yang na handa ang ACG na tugunan ang mga ganitong insidente at hinikayat niya ang sinumang biktima ng online abuse na i-report agad ito sa kanila upang mabilis na maaksyunan.


Marahil, kailangan nating mag-ingat nang husto sa lahat ng mga photo at video na ating ipino-post online dahil posible tayong mapahamak.


Iwasan na rin natin ang pag-share o pag-send ng mga intimate content, explicit photo o video at iba pa, na kasama ang ka-relasyon o asawa dahil baka sa ibang pagkakataon ay gamitin ang mga ito upang ipang-blackmail o ipang-exploit sa atin. 


Alalahanin sana natin ang parusang maaaring ipataw kung sakaling masangkot sa ganitong klase ng krimen, bukod pa r’yan ang matinding kahihiyan na puwedeng sasapilitin.


Tandaan natin na dapat na maging responsable tayo sa paggamit at pag-access ng social media sa lahat ng oras.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page