ni Ryan Sison @Boses | Nov. 10, 2024
Dahil sa nag-aalburotong Mt. Kanlaon, dapat na mag-ingat ang mga kababayan nating residente sa Negros Occidental at Negros Oriental sa posibleng ashfall at iwasan din ang matagal na pagkaka-expose sa sulfur dioxide na mula sa naturang bulkan.
Pahayag ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), inaasahang tutumbukin ng ashfall ang hilagang-kanlurang bahagi ng Bulkang Kanlaon.
Batay naman sa monitoring ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ay nakapagtala ng pagsingaw na may panaka-nakang ashfall ang Mt. Kanlaon habang tinatayang 7,378 tonelada ng asupre ang ibinuga nito na may taas na 750 metro.
Ayon sa PHIVOLCS, maaaring mairita ang mga mata, lalamunan, at respiratory tract dahil sa exposure o pagkalantad dito kaya mahigpit na pinag-iingat ang mga indibidwal
na may mga health condition sa paghinga.
At kung magkaroon na ng ashfall na maaaring makaapekto sa mga komunidad, dapat takpan ng malinis na basahan o dust mask ang ilong at bibig kapag tuluyang nalanghap ito.
Pinaalalahanan na rin ang civil aviation authorities na mag-abiso sa mga piloto na huwag munang magpalipad ng aircraft malapit sa tuktok ng bulkan upang makaiwas sa panganib na dulot ng ashfall at sulfur dioxide at sa posibleng biglaang pagputok nito.
Ayon sa PHIVOLCS, nananatiling nakataas sa Alert Level 2 ang Bulkang Kanlaon dahil sa “increased unrest” nito kasunod ng naging pagsabog noong June.
Kailangang maging alerto ng ating mga kababayan sa mga lugar na malapit sa Bulkang Kanlaon dahil anumang oras ay maaaring sumabog ito.
Walang iniwan iyan sa nangyaring pagsabog noon ng Bulkang Taal, kung saan napakaraming mamamayan ang labis na naapektuhan.
Ang masaklap pa nagkasakit-sakit na ang mga residente dahil sa mga naibugang abo at sulfur dioxide na talagang mapanganib sa ating kalusugan.
Kaya naman payo natin sa mga kababayan doon na sakaling magpatupad na ng force evacuation ang kinauukulan ay agad na sumunod upang hindi na umabot na masakripisyo pa ang inyong buhay at pamilya.
Gayundin, palaging bantayan ang mga anunsyo ng pamahalaan upang malaman ang sitwasyon sa lugar at lagay ng nasabing bulkan. Maging mapagmatyag at maingat tayo upang hindi mapahamak.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments