top of page
Search
BULGAR

Publiko, mag-ingat sa pagbili ng “labubu” tumblers na may toxic lead

ni Ryan Sison @Boses | Nov. 27, 2024



Boses by Ryan Sison

Alam kaya ng iba sa atin na ang ilan sa mga makukulay na tumbler na nagtatampok sa sikat na toy character na si “Labubu” ay naglalaman ng mataas na lebel ng toxic lead? 


Ito ang naging babala ng isang anti-chemical pollution advocacy group na EcoWaste Coalition, kung saan ilang Labubu-inspired na tumbler na pinalamutian ng mga pinta ang na-detect na may lead na higit sa 90 parts per million (ppm) na limitasyon na itinakda ng pamahalaan.


Base sa report ng naturang grupo na sa anim na unofficial “Labubu” tumbler na ibinebenta sa halagang P275 bawat isa, tatlo -- pink, pula at dilaw -- ang naglalaman ng lead levels na lagpas sa 1,000 ppm, na nakita gamit ang X-ray fluorescence analyzer.


Napakataas nito kumpara sa pinayagang lead limit para sa pintura na 90 ppm.

Sinabi ng EcoWaste Coalition na ang pagkakalantad sa lead kahit sa maliit na amount lamang ay mapanganib sa ating kalusugan, habang anila, wala pang napag-alamang safe level ng lead exposure.


Binanggit din ng grupo na bagama’t ang reusable tumblers ay magandang pamalit sa mga single-use bottles, ang mga eco-friendly at alternatibong ito ay dapat na ligtas mula sa mga hazardous materials gaya ng lead sa pintura, na maaaring nabubura sa paglipas ng panahon dahil sa paulit-ulit na paggamit nito at posibleng nalulunok na ito ng mga gumagamit na hindi alam ang panganib sa kanilang kalusugan.


Ang exposure sa lead, kahit na sa mababang doses lamang ay mapanganib sa kalusugan, batay pa sa grupo.


Ayon sa World Health Organization (WHO), ang mga bata ay natural na vulnerable o mahina sa mga toxic effect ng lead at maaari silang magdusa sa tinatawag na permanent adverse health impacts, partikular na sa pag-develop ng kanilang central nervous system.


Gayundin, ang lead ay nagdudulot naman ng long-term harm o pinsala sa mga adult, kabilang dito ang mas mataas na panganib ng high blood pressure, cardiovascular problems, at kidney damage.


Dapat sigurong maging maingat tayo sa pagbili ng ating mga ipanreregalo ngayong papalapit na ang Kapaskuhan.


Hindi kasi puwedeng ipagsapalaran ang ating kalusugan, lalo na ang mga bata sa dalang panganib ng mga ibinebentang gaya nitong sikat na laruang Labubu na may toxic lead.


Kaya payo natin sa mga kababayan na kailangang alam natin ang product labeling information ng ating mga bibilhin, habang tiyakin ang kalidad at kung non-hazardous ba ang mga ito.


Huwag basta damputin at bayaran agad sa counter ang mga gamit o laruan at iba pa dahil lamang nagustuhan at nakita nating maganda sa paningin, posibleng naglalaman ito ng toxic materials na delikado at magdudulot ng pinsala sa atin. 

Kumbaga, maging mapanuri tayo sa lahat ng bagay upang hindi tayo mapahamak.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page