ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | November 3, 2022
Isinusulong ng inyong lingkod ang pagrepaso sa ilang probisyon ng Free Internet Access in Public Places Act (Republic Act No. 10929) at Open Distance Learning Act (Republic No. 10650) – mga batas na layong tiyakin ang pagkakaroon ng maayos na internet at tuluy-tuloy na edukasyon sa gitna ng mga kalamidad at sakuna.
Sa inihain nating Proposed Senate Resolution No. 59, nais nating suriin kung naipatutupad nang maayos ang naturang dalawang batas sa mga paaralan sa bansa. Nais din nating tukuyin at tugunan ang mga isyu at hamong kinahaharap ng pagpapatupad ng dalawang batas. Nananatiling hamon ang pagpapatupad sa dalawang batas na ito, lalo na noong suspindihin ang face-to-face classes sa kasagsagan ng pandemya at ipinatupad ang distance learning.
Isinabatas ang Free Internet Access in Public Places Act upang maglagay ng libreng internet sa mga pampublikong lugar sa bansa. Bahagi ng mandato ng batas ang paglalagay ng libreng WiFi sa mga paaralan kabilang ang pampublikong elementarya at high school, alternative learning system centers (ALS), state universities and colleges (SUCs) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) technology institutions.
Ngunit ayon sa Free Public Wi-Fi monitoring dashboard, nasa 945 lamang ang bilang ng mga paaralan sa elementary at high school na may libreng WiFi mula noong Enero 29, 2022 o dalawang porsyento lamang ng mga pampublikong paaralan sa bansa.
Ang Open Distance Learning Act naman ay isinabatas upang gawing institutionalized ang Open Distance Learning (ODL) upang palawigin pa ang access sa dekalidad na edukasyon sa kolehiyo. Mandato ng naturang batas ang paggamit sa distance education bilang akmang sistema sa panahong may sakuna at anumang emergency o crisis situation. Ngunit hanggang ngayon ay nananatiling nasa 10 ang bilang ng mga higher education institutions na nag-aalok ng distance education.
Bagama’t mayroon tayong mga batas para sa maayos na pagpapatupad ng distance learning, may mga pagkukulang pa rin tayong dapat punan upang matiyak ang tuluy-tuloy at dekalidad na edukasyon sa gitna ng krisis. Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, sisiguraduhin natin na matutugunan ang mga hamong nabanggit upang matiyak natin na walang mag-aaral ang mapagkakaitan ng edukasyon sa panahon ng mga sakuna at anumang emergency situation.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments