top of page
Search
BULGAR

Public Employment Service Office, malaking tulong sa mga manggagawa sa loob at labas ng bansa

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | October 28, 2023


Sa higit 23 taon, naging malaking tulong ang Public Employment Service Office (PESO) sa mga kababayan nating naghahanap o gustong makasiguro ng mapapasukang trabaho mapa-lokal man o sa ibayong-dagat.


Ang PESO na matatandaang isinabatas sa ilalim ng RA 8759 ay itinatag sa kapitolyo ng mga lalawigan, maging sa malalaking lungsod at strategic areas sa iba’t ibang panig ng bansa. Sa madaling salita, ang PESO ay makikita sa mga komunidad na pinangangasiwaan ng mga lokal na pamahalaan, gayundin ng ilang NGOs at community-based organizations at SUCs. Konektado ang PESOs sa regional offices ng DOLE na siyang namamahala sa coordination at technical aspects nito, at sa DOLE central office bilang bahagi ng national employment service network.


Bilang pagkilala sa napakahalaga at napakalaking papel na ginagampanan ng PESOs, sumailalim sa pagrebisa ng Kongreso ang RA 8759 noong 2015 sa pamamagitan ng RA 10691 na mas nagpalakas sa sistema ng PESOs at para mapalawak ang sakop nito hanggang sa pinakamababang sangay ng LGUs sa buong bansa.


Bilang chairman ng Committee on Labor Employment and Human Resources nang mga panahong iyon, tumayo tayong sponsor ng naturang batas na pangunahing iniakda ng ating kasamahang si Senador Jinggoy Estrada. At dahil nakita natin ang tagumpay ng PESOs, naging maigting ang ating pagnanasang mas mapalawak ang tulong nito hanggang sa malalayong lugar ng Pilipinas.


Matapos maisabatas ang RA 10691 noong Oktubre 26, 2015, naitatag na ang PESOs sa lahat ng lalawigan, lungsod at munisipalidad sa bansa. Mas maraming bayan ang naabot, at mas maraming Pinoy ang natulungan ng batas, saan mang panig sila ng Pilipinas nagmula.


Naging daan din ang batas na ito upang maging modern public employment service intermediary ang PESO, na nagkakaloob ng multi-dimensional employment facilitation services. At liban sa job facilitation, nagkakaloob din ang PESOs ng labor market trends and information, livelihood, skills and entrepreneurship training, at iba pa.


Ayon sa datos mula sa DOLE, tinatayang 2 milyong Pinoy na naghahanap ng trabaho ang natulungan ng PESOs. At dahil dito, ayon sa ahensya, nakapagtala tayo ng mas maayos na pag-eempleyo.


Sa ulat naman ni DOLE Secretary Bienvenido Laguesma na tumatayong overall administrator at coordinator ng PESOs, sinabi niyang may kabuuang 1,190 job fairs na ang inorganisa ng kanilang ahensya na isinagawa sa iba’t ibang lugar sa bansa mula pa noong July 2022.


Sa mga nasabing job fair, ayon pa rin kay Sec. Laguesma, mahigit 320,000 jobseekers ang nakapagparehistro, kung saan higit 50,000 sa kanila ang aktuwal na nakakuha ng trabaho sa mismong araw ng kanilang aplikasyon.


Malaking tulong din daw sa mga ganitong pagkakataon ang RA 11261, ayon pa kay Sec. Laguesma – ito ang First Time Jobseekers Assistance Act na iniakda natin noong 17th Congress. Nilikha natin ang batas na ito upang mas mapagaan ang paghahanap ng trabaho para sa ating jobseekers.


Nilalayon kasi ng nasabing batas na gawing libre para sa mga first time na naghahanap ng trabaho tulad ng mga fresh grads ang pagkuha ng mga kinakailangang dokumento para sa kani-kanilang job applications.


Kaugnay sa usapin ng unemployment, sa lumabas na datos nitong Agosto 2023, bumaba ang ating unemployment rate sa 4.4 percent mula sa 4.8% noong July. Makikita ang malaking pagbaba mula sa 5.3% rate na naitala sa kaparehong buwan noong 2022.


Maging ang underemployment ay bumaba rin sa 11.7 percent nitong nakalipas na Agosto mula sa 15.9 percent, Hulyo ngayong taon.


 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

0 comments

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page