ni Lolet Abania | March 8, 2022
Plinaplano na ng gobyerno na palawigin ang mga vaccination sites sa bansa kung saan isasama na rin ang mga pampubliko at pampribadong klinika upang mas marami pang mga Pilipino ang mabakunahan kontra-COVID-19, ayon sa Department of Health (DOH).
Sa isang interview ngayong Martes kay Secretary Francisco Duque III, sinabi nitong nakikipag-ugnayan na sila sa ngayon sa Philippine Medical Association hinggil sa inisyatibong ito bilang bahagi ng naunang inilunsad na “Resbakuna sa mga Botika” noong Enero.
“Kausap na namin ‘yung Philippine Medical Association. Isa sa mga stratehiya na aming ipapatupad itong mga klinika, both public at private na mga clinics, ay bubuksan na as vaccination sites,” ani Duque.
“Kung naalala ninyo, nu’ng dalawang linggo nakaraan o tatlong linggo, ay inilunsad natin ‘yung Resbakuna sa Botika. Ngayon, ine-expand na natin ‘yung access even sa mga clinics sa mga communities para sa gayon ay mas madaling mapuntahan ng sinumang gustong magpabakuna at makakatulong ito sa pagtaas ng vaccination coverage,” saad pa niya.
Ayon kay Duque, mayroong pitong botika at private clinics sa Metro Manila ang nag-participate sa pilot run nito noong Enero 20.
Una nang sinabi ni Deputy Chief Implementer Vince Dizon ng National Task Force Against (NTF) COVID-19 na ang “Resbakuna sa mga Botika” ay malugod na aasistihan ng mga local government units (LGUs) at ng DOH para magdagdag ng maraming personnel na magbabakuna laban sa viral disease.
Aniya, makatutulong din ito para i-decentralize pa ang mga vaccinations sa halip na nakatuon lang sa malalaking vaccination sites sa partikular na mga lugar.
Comments