ni Mary Gutierrez Almirañez | April 10, 2021
Kinumpirma ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa ipinadalang text message na matutuloy sa Lunes ang ‘Talk to the People Address’ ni Pangulong Rodrigo Duterte, matapos mabahala ang ilang mamamayan sa kalusugan niya dahil sa hindi pagpapakita nitong mga nakaraang araw at mga na-postpone niyang public address.
“Monday,” iyan ang reply ni Roque bilang kumpirmasyon sa muling appearance ng Pangulo sa publiko.
Pinatotohanan naman ng video at mga larawan na in-upload ni Senator Bong Go ang aktibong pagdya-jogging ng Pangulo, taliwas sa mga espekulasyong mahina na siya dahil umano sa sakit na Barrett’s esophagus.
Ipinaliwanag din ng Palasyo na nag-iingat lamang ang Pangulo, matapos magpositibo sa COVID-19 ang mahigit 120 na miyembro ng Presidential Security Group (PSG).
Sa ngayon ay kumpirmadong nagpositibo muli sa COVID-19 si Spokesperson Harry Roque at kasalukuyang naka-admit sa Philippine General Hospital (PGH). Gayunman, tiniyak niyang siya pa rin ang mag-aanunsiyo ng bagong quarantine classification sa NCR Plus Bubble, katuwang ang Inter-Agency Task Force (IATF).
"I am now admitted in a hospital for Covid treatment. This is to say that COVID-19 is more transmissible now so we have to do extra precaution," sabi pa ni Roque.
Comments