ni Lolet Abania | May 25, 2021
Muling ipagpapaliban sa ikalawang beses ngayong Martes ang regular public address ni Pangulong Rodrigo Duterte, ayon sa Malacañang.
Paliwanag ni Presidential Spokesperson Harry Roque, si Pangulong Duterte at kanyang delegasyon ay kababalik lamang sa Manila mula sa isang Regional Peace Council meeting sa Dumaguete City na ginanap nu'ng Lunes nang hapon.
“Talk to the People will be moved tomorrow. Nakauwi na kami galing Dumaguete, ala-una na. Medyo puyat po lahat, including ang mga tao sa OP [Office of the President],” ani Roque sa isang Palace briefing ngayong Martes.
“Kaya sa Wednesday ang Talk to the People,” dagdag ni Roque.
Karaniwan nang isinasagawa ang public address ni P-Duterte tuwing Lunes ng gabi, subalit ito ay na-postpone dahil sa pulong nito sa Dumaguete.
Matatandaang noong May 17 sa naganap na Talk to the People, nakasama ni Pangulong Duterte si Senate President Juan Ponce Enrile na 97-anyos na, bilang kanyang guest upang talakayin ang isyu sa West Philippine Sea.
Dahil sa naging mga pag-uusap at mahabang paliwanag ni Enrile, tumagal ang taped address ng Pangulo kung saan ipinalabas ito at hinati sa dalawang bahagi.
Ang part 1 ay noong May 17 ng gabi at ang part 2 ay May 18 naman ng tanghali.
Sa kabila ng patuloy na pananatili ng mga Chinese sa paligid ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas na nasa West Philippine Sea, sinusuportahan ni Enrile ang posisyon ni P-Duterte na hindi dapat kalabanin ang China.
Komentar