ni Chit Luna @News | Jan. 22, 2025
Photo File: Koko Nograles
Ipinahayag ng Philippine Tobacco Institute (PTI) ang suporta nito sa isang panukalang batas na inihain sa Kongreso na mapigilan ang lumalalang iligal na kalakalan ng tabako na nagdudulot ng pagbaba ng koleksyon ng buwis.
Tinukoy nila ang karanasan ng mga kalapit na bansa na pansamantalang sinuspinde ang taunang pagtaas ng excise tax sa tabako upang maisaayos ang merkado.
“By pausing the annual excise tax increases, the prices of legitimate products such as cigarettes can stabilize and decrease the incentive for consumers to purchase illicit smuggled products,” ayon kay PTI President Jericho “Koko” B. Nograles sa isang pagdinig ng Senate Ways and Means Committee na tumatalakay sa isyu ng iligal na bentahan ng tabako.
Binanggit ni Senate Ways and Means Committee Chairman, Senador Sherwin Gatchalian, na kailangang pigilan ang lumalaking merkado ng iligal na sigarilyo, na aniya ay nagdudulot ng isang “lose-lose situation” para sa Pilipinas.
Dahil sa laganap na iligal na sigarilyo at pagbaba ng koleksyon mula sa excise tax, inihain ng mga lider ng Kamara ang House Bill (HB) 11279 upang pansamantalang itigil ang pagtaas ng excise tax sa tabako. Layunin nitong palakasin ang pagpapatupad ng mga batas laban sa iligal na kalakalan.
Ang panukalang batas ay naglalayong suspindihin nang 1 taon ang taunang 5% na pagtaas ng buwis sa mga produktong tabako, heated tobacco products, vapor products, cigars, at sigarilyo.
Kabilang sa mga may-akda ng panukalang batas sina Deputy Speaker at Isabela 1st District Rep. Antonio “Tonypet” Albano, Deputy Speaker at Ilocos Sur 2nd District Rep. Kristine Singson Meehan, Ilocos Norte 2nd District Rep. Angelo Marcos Barba, Kabayan Party-list Rep. Ron Salo, Ifugao Lone District Rep. Solomon Chungalao, at PBA Party-list Rep. Margarita Nograles-Almario.
Ayon sa datos ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI), bumaba ang koleksyon ng excise tax sa tabako mula PHP 176 bilyon noong 2021 hanggang PHP 130 bilyon noong 2024. Kasabay nito, tumaas naman ang adult smoking prevalence mula 19% noong 2021 hanggang 24.4% noong 2023.
Ibinahagi ni Nograles ang karanasan ng Singapore, na nagpatupad ng parehong moratorium sa loob ng 8 taon. Ito’y nagresulta sa pagpapatatag ng lehitimong merkado at pagtaas ng kita ng gobyerno.
Ayon sa isang pag-aaral na inilathala sa World Customs Journal ng mga ekonomistang sina Adrian Cooper at Daniel Witt, itinaas ng gobyerno ng Singapore ang excise duty tax sa sigarilyo mula SGD150 kada 1,000 sigarilyo patungong SGD352—ang pinakamataas sa Asya noong panahong iyon. Bagama’t tumaas ang kita sa una, bumaba ito ng 20% sa pagitan ng 2003 at 2006.
Dahil dito, lumakas ang iligal na kalakalan. Bilang tugon, pinanatili ng gobyerno ng Singapore ang excise tax sa antas ng 2005 at naglaan ng malaking pondo sa pagpapatupad ng batas. Ito’y nagdulot ng positibong resulta, kung saan bumawi ang volume ng duty-paid cigarettes pagkatapos ng 2006 at bumaba ang bahagi ng iligal na merkado mula 22% noong 2006 hanggang 15.9% noong 2010.
Ayon kay Gatchalian, “The reason we impose excise tax on tobacco products is so we can have better health outcomes. But smoking prevalence has now reversed. We’re now in a lose-lose situation because smoking prevalence is going up, tax collection is going down.”
Hinikayat ni Senador Gatchalian ang Department of Finance (DOF) na tugunan ang lumalaking banta ng iligal na kalakalan ng tabako. “If we don’t focus our attention on this, we’ll end up with a scenario where illicit trade might be bigger than legal activities,” aniya.
“From the standpoint of this committee, revenue is going down, but smoking prevalence is going up, so where are the cigarettes coming from?” tanong ni Gatchalian.
Ayon kay Bureau of Internal Revenue (BIR) Head Revenue Executive Assistant Don Galera, umabot lamang sa PHP 134 bilyon ang kabuuang koleksyon ng excise tax sa tabako noong nakaraang taon, malayo sa target ng ahensya na PHP 185 bilyon noong 2023.
Ipinunto ni Gatchalian ang patuloy na pagtaas ng nasasamsam na iligal na tabako sa kabila ng mas pinaigting na pagpapatupad ng batas. Iminungkahi niya ang pangangailangan ng bagong estratehiya upang tugunan ang iligal na kalakalan at matiyak ang matatag na daloy ng kita ng gobyerno.
“In my opinion, enforcement is not enough. We have to look at the other causes of illicit trade in our country. We cannot ignore the theory of incentives given the significant price difference between illicit cigarettes and legitimate ones,” aniya.
“We must recognize the harm this causes—not just in lost revenue but also on health risks, as these activities operate under the radar,” dagdag pa ni Gatchalian.
Comments