ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Jan. 6, 2025
Dear Chief Acosta,
Mayroon akong katanungan tungkol sa pagdadala ng prutas sa ating bansa mula sa Korea. Plano ng aking tiyahin na magdala ng strawberries pag-uwi niya rito sa Pilipinas. Nagustuhan niya kasi ang lasa ng strawberries na kinain niya roon at balak niyang mag-uwi sa Pilipinas para sa pansariling konsumo lamang. Pauwi na siya sa susunod na linggo at gusto niyang malaman kung ano ang mga dapat niyang gawin para makapag-uwi nito. Mayroon din bang mga kailangan na ihandang papeles ukol dito? Salamat. — Chinit
Dear Chinit,
Upang maiwasan ang pagpasok at pagkalat ng mga nakapipinsalang peste at sakit na maaaring makasira sa ating lokal na agrikultura, ang Department of Agriculture - Bureau of Plant Industry (DA-BPI) ay nagtalaga ng partikular na opisina para masiguro na ang mga produktong pang-agrikultural na pumapasok sa ating bansa ay ligtas at walang kontaminasyon. Ito ay ang National Plant Quarantine Services Division (NPQSD).
Sila ang nangunguna sa pagsasagawa ng masusing inspeksyon at pagsusuri ng mga inaangkat na halaman, prutas, at iba pang produktong agrikultural. Sila rin ang may pananagutan sa pagkilala at pagsiyasat ng mga peste at sakit na maaaring makapasok sa bansa. Kasama rin sa kanilang tungkulin ang pag-iisyu ng mga phytosanitary certificate at import permit para sa mga produktong agrikultural na papasok sa bansa.
Makikita sa website ng DA-BPI ang proseso kung paano makakapag-angkat o makakapagdala sa Pilipinas ng halaman o mga produktong mula sa halaman. Makikita rin dito ang flowchart na naglalaman ng mga hakbang upang makapagdala ng mga nabanggit sa itaas. Ang sinumang tao o kumpanya na nagnanais na mag-angkat ng mga halaman o produkto ng halaman ay dapat maghain ng aplikasyon sa DA-BPI, partikular sa NPQSD. Ang kanilang aplikasyon ay para sa Plant Quarantine Clearance (PQC) kung para sa personal na konsumo lamang, at Sanitary and Phytosanitary Import Clearance (SPSIC) kung para sa komersyal na layunin. Nakasaad sa kanilang website (url:https://npqsd.bpi-npqsd.com.ph/import/) na:
“PLANT QUARANTINE CLEARANCE (PQC) and SANITARY AND PHYTOSANITARY IMPORT CLEARANCE (SPSIC)
Both are issued for Category II, III and IV commodities however PQCs are issued for importation of commodities for personal consumption while SPSICs are for commercial purposes.”
Ayon sa “Guidelines for Categorization of Commodities of Plant Origin”, partikular sa Seksyon 5, Artikulo III ng Department of Agriculture Quarantine Administrative Circular No. 01, Series of 2014, nakakategorya ang mga kalakal ayon sa antas ng panganib ng peste alinsunod sa International Standards for Phytosanitary Measure (ISPM) No. 32 na inisyu ng International Plant Protection Convention:
“SEC. 5. Categorization of Commodities - This Circular adopts the categorization of commodities according to level of pest risk pursuant to International Standards for Phytosanitary Measure (ISPM) No. 32 issued by International Plant Protection Convention, as follows:
1. Category 1 - Commodities that have been processed to the point where they do not remain capable of being infested with quarantine pests and therefore, should not be regulated. The importation of Category 1 commodities shall not require an SPSIC, but the importer shall secure a Certificate of Non-Coverage and/or Plant Quarantine Service Certification from BPI.
2. Category 2 - Commodities that have been processed to the point where the commodity remains capable of being infested with some quarantine pests and whose intended use may be for consumption or further processing. The BPI-PQS shall determine if a Pest Risk Analysis (PRA) is required for quarantine pests that may not be eliminated by the process. Importation of Category 2 commodities shall require SPSIC and Phytosanitary Certificate (PC) from the country of origin.
3. Category 3 - Commodities that have not been processed and the intended use of commodity is for consumption or processing. PRA is necessary to identify the pest risks related to this pathway. This category requires SPSIC and PC.
4. Category 4 - This includes commodities that have not been processed and the intended use is for planting. PRA is necessary to identify the pest risks related to this pathway. This category requires SPSIC to be secured from the BPl and PC from the country of origin.”
Sa sitwasyon ng iyong tiyahin, ang strawberries na plano niyang iuwi rito sa Pilipinas ay nabibilang sa Category 3. Kailangan niyang magsumite ng aplikasyon para rito sa PQC sa DA-BPI. Gayundin, kailangan rin niyang siguraduhin ang mga kinakailangang papeles sa bansang Korea. Maaaring tingnan ng iyong tiyahin o ng kanyang kinatawan ang website ng DA-BPI para sa mas detalyadong proseso ng pag-angkat ng nasabing prutas. Ayon dito, ang mga prutas na nasa listahan ng “Updated List of Allowable Fresh Fruits and Vegetables” na puwedeng ipasok sa ating bansa mula sa Korea ay ang mga sumusunod: apples, persimmon, pears, onion, mushroom, strawberry at unshu orange. Kaya naman maaari siyang magdala ng strawberries mula Korea at iuwi ito sa ating bansa basta’t siguraduhin lamang niya na kumpleto ang mga dokumentong kailangan upang maiwasan ang pagkakumpiska nito sa airport natin.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments