top of page
Search
BULGAR

Proyekto para sa mga natenggang pintor at iba pang artist dahil sa pandemya, oks!

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | October 12, 2020



Sa tatlong buwang nasa ilalim tayo sa lockdown at ang patuloy na pagkilos nang hindi normal ng ating ekonomiya, iisa ang naging epekto nito sa marami nating mga manggagawa — kundi man tuluyang nawalan ng trabaho, ‘yun iba ay hindi na naging regular ang kanilang hanapbuhay.


Ang hagupit ng pandemya ay naramdaman o talaga namang nanalanta sa iba’t ibang sektor ng lipunan. Kaya ang mga dating umaasa lang sa arawang kita, mas lalo lang nalubog sa hirap. Pero ang lagay ng lahat — apektado.


Isa sa mga talagang nagkalatay sa pandemyang ito ang sektor ng sining. Tulad ng mga kaawa-awa mga pintor, isa sila sa mga nawalan ng kabuhayan.


Nitong nakalipas na linggo, dininig ng ating komite, ang Senate Committee on Finance ang budget para sa National Commission for Culture and the Arts o NCCA at ang mga attached agencies nito.


Sa nasabing pagdinig, tahasan nating hinimok ang NCCA na makipag-alam sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na aktibo ngayon sa rehabilitasyon ng Ilog Pasig. Ang layunin natin dito, kunin ng MMDA ang serbisyo ng mga pintor upang pintahan ang murals o mga pader at river banks ng Ilog Pasig. Liban sa murals and riverbanks, maaari ring pintahan ng mga pintor ang murals sa malalaking kalsada tulad ng EDSA at C5.


Hindi lang sa maisusulong natin ang galing ng mga pintor na Pinoy, isa rin itong paraan upang matulungan sila sa kanilang kalagayan sa ngayon matapos hagupitin ng pandemya.


Kaya hiniling natin sa NCCA na kung maaari, magrekomenda pa sila ng mga dagdag na artists para makatulong din ito sa kanilang kita. Apektado talagaang kabuhayan nila ngayon, kaya sa ganitong paraan man lamang, may pagkakitaan din sila mula sa komisyon sa MMDA.


Ang kagandahan sa NCCA, patuloy sila sa pagtulong sa libu-libong artists natin na nawalan ng trabaho dahil sa pandemyang ito. Katunayan, nitong Agosto ay nagkaloob sila ng one-time cash assistance na nagkakahalaga nang mula P5,000 hanggang P10,000 para sa mga freelance artist na walang natatanggap na regular compensation.


Ang dami nating magagaling na artists na nasasayang lang ang talento dahil sa pandemya kaya, dapat lamang na tulungan sila.


Liban sa sektor ng sining, itong NCCA at ang kanyang attached agencies ay dapat ding makipag-ugnayan sa DTI at iba pang ahensiya ng gobyerno upang mapanday ang creative economy roadmap.


Hindi lang solidong suporta para sa creative sector ang maipagkakaloob nila, kundi mapalalago pa ang creative goods and services na pang-export.

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City

o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.co

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page