top of page
Search
  • BULGAR

Proud sa mister… MARIAN, SUPORTADO SI DINGDONG SA PULITIKA

ni Janiz Navida @Showbiz Special | July 21, 2024


Showbiz News
Photo: Dingdong Dantes / FB

Dahil sa success ng Rewind movie nila ni Dingdong Dantes sa last year's Metro Manila Film Festival (MMFF), mas naging mabenta ang mag-asawa hindi lang sa paggawa ng pelikula kundi maging sa product endorsements.


Sunud-sunod nga ang pagdating ng mga endorsements ngayon nina Marian at Dingdong at sila na talaga ang maituturing na Endorsement King and Queen this year.


Last Friday, ini-launch si Marian bilang bagong ambassador ng Nekocee 15 in 1 by Kath Melendez. Isa itong dietary supplement na nagpo-promote ng healthier body.


Ikinuwento nga ni Marian na dahil nagkakaedad na siya, kailangang mas alagaan niya ang kanyang health at iniinom daw niya ang naturang supplement one hour bago siya matulog sa gabi para masarap ang tulog niya at good vibes pagkagising niya at sa buong maghapon.


Kaya naman pala kahit halos 6 PM na nu'ng ma-one-on-one interview namin si Marian sa Okada Hotel and Casino nu'ng Friday, ang ganda-ganda pa rin ng mood niya at game na game sumagot sa lahat ng tanong namin.


Speechless daw siya nu'ng pinuri namin na siya na talaga ang Endorsement Queen pero halata mong super-saya ni Mrs. Dantes dahil sa kanyang sparkling eyes.


Tinanong namin si Yan-Yan (nickname ng aktres) kung bakit wala silang MMFF entry ni Dong this year at aniya, napag-usapan nilang mas bigyan muna ng time ang kids dahil last year, nawalan daw sila ng oras na mag-celebrate ng Christmas at New Year dahil sa promo ng Rewind.


Kaya naman biniro namin si Marian na ibig bang sabihin nito, gagawa na sila ng Baby No. 3 ni Dingdong?


Natawa ang aktres at ang sagot, "Naku, minsan mahirap 'yun, eh. Basta ngayon, focused kami sa dalawang bata at happy naman kami ru'n."


Sabagay, busy din ngayon si Marian lalo't may bago siyang pelikula, ang Balota na magpapakita raw ng kakaibang side ni Marian bilang aktres.


Aniya, timely nga ang paggawa niya ng Balota dahil maraming matututunan ang mga viewers na maia-apply nila sa kanilang pagboto sa 2025 elections.


At dahil malapit na nga ang eleksiyon, nahingi na rin namin ang reaksiyon ni Marian sa mga nagpu-push na naman kay Dingdong na tumakbo sa pulitika.


Napaka-active kasi ng aktor sa iba't ibang organisasyon at maraming advocacies para makatulong hindi lang sa mga taga-industriya kundi pati sa mga kababayan nating walang trabaho sa pamamagitan ng kanyang mga itinayong negosyo.


"Ay, naku, hindi ako ang makakasagot niyan, asawa ko ang makakasagot niyan.


"Pero anuman ang mangyari sa kanya, sabi ko naman, anuman ang destination na puntahan niya, kami ng mga anak ko, 'andu'n kami sa likod niya to support him aaallll the way 'yan," sagot ni Yan-Yan.


Proud naman daw si Marian sa mga nagpu-push na tumakbong congressman or senator si Dingdong.


"Iisa lang ang ibig sabihin niyan, mabuting tao ang asawa ko para makita nila at i-push nila na gawin ang mga bagay na 'yan."


But as of now, wala pa naman daw sinasabi sa kanya si Dingdong at hindi rin nila ito napag-uusapan sa bahay.


 

'Di raw nakikialam sa love life ng anak, pero... AGA,KINIKILIG KINA ANDRES AT HEART RYAN 


Showbiz News
Photo: Andres Muhlach & Heart Ryan / FB

Twenty-Three years old na pala ang kambal nina Aga Muhlach at Charlene Gonzalez-Muhlach na sina Andres at Atasha.


For the first time, magsasama-sama ang mag-anak ni Aga para sa TV5 sitcom na Da Pers Family na magsisimula na ngayong Linggo, July 21, 7:15 PM mula sa direksiyon ni Danni Caparas.


Sa mediacon, tinanong namin si Aga kung may say ba siya sa love life ng mga anak dahil obyus na kilig na kilig ang magaling na aktor habang ipinakikilala ang cast ng Da Pers Family kung saan kasama ang young actress na si Heart Ryan na mukhang magiging love interest ni Andres.


Ani Aga, hindi naman siya nakikialam sa love life nina Atasha at Andres at nakikita lang daw niya ang sarili nu'ng Bagets days niya kina Andres at Heart Ryan kaya tipong kinikilig siya sa dalawa.


Hindi naman daw kinakabahan si Aga na maagang mag-asawa ang mga anak dahil alam niyang career ang priority ng mga ito, although aware rin sila ni Charlene na may mga crushes na rin ang kambal.


Oh, well, sa teaser pa lang ng Da Pers Family ay matatawa ka na talaga, lalo na sa mga eksena nina Aga, Roderick Paulate at Bayani Agbayani na pare-parehong komedyante.

Kaya watch n'yo na ang Da Pers Family na may catch-up airings din sa Sari-Sari Channel tuwing Lunes, 7 PM. 


0 comments

Commentaires


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page