top of page
Search
  • BULGAR

Proud mama's boy… MAVY, 'DI KAYANG IPAGPALIT SI CARMINA KAHIT SUPER INLAB SA DYOWA

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | August 28, 2024



Showbiz News
Photo: Carmina Villarroel at Mavy Legaspi / IG

Hindi ikinahihiya ni Mavy Legaspi ang kanyang pagiging maka-ina, kaya tinatawag siyang “mama's boy”. 


Kahit ano pa raw ang sabihin sa kanya ng iba, buong-buo ang respeto niya sa kanyang mom na si Carmina Villarroel. 


Mahal na mahal ni Mavy si Carmina at wala siyang regrets kahit naging priority niya ang kanyang mom at nag-suffer ang kanyang love life. 


Mula pagkabata, nakita ni Mavy ang mga sakripisyo ng kanyang mom para sa kanilang pamilya. Sobra ang pagmamahal at pag-aalaga nito sa kanila ni Cassy. At hanggang maging teenager sila, lagi pa ring nakasubaybay ang kanilang mom. 


Kaya naman, tinutumbasan ngayon ni Mavy ang pagmamahal ng kanilang Mommy Carmina. 


Depensa rin ni Mavy, ang pagiging masunurin, marespeto, at mapagmahal na anak ay hindi nangangahulugan na “mama’s boy” siya na sunud-sunuran sa mga gusto ng kanyang mommy. Ginagabayan lang siya ng kanyang ina sa aspeto ng pakikipagrelasyon. 


Sabi pa ni Mavy, hindi niya ipagpapalit ang kanyang mom sa sinumang babae, kahit mahal niya. Hindi niya bibigyan ng sama ng loob ang kanyang ina. 


Well, para sa mga netizens, maganda ang mga values na itinuro nina Carmina at Zoren sa anak nilang si Mavy. Marespeto ito at mapagmahal sa pamilya. Tiyak na

makakatagpo rin si Mavy Legaspi ng babaeng puwedeng ipagmalaki at makakasundo ng kanyang ina.


 

Ipinagtanggol ni Bela Padilla si Kim Chiu sa mga bashers na nanlait sa kanyang kaibigan. 


May ilang bashers kasi ang nag-comment sa larawan nina Bela at Kim na magkasama. Sinabi nilang mabuti pa raw si Bela na matalino at hindi retokada. 


Bukod pa rito, ginagawang isyu ng mga bashers ang hindi pagtatapos ni Kim sa kolehiyo. Inuna kasi ni Kim ang kanyang showbiz career upang mapag-aral ang kanyang mga kapatid at mabigyan sila ng magandang buhay. Kaya, naisakripisyo ni Kim ang kanyang pag-aaral, at ito ang biggest regret niya dahil gusto rin niyang makatapos sa kolehiyo. 


Isa pang isyu ng mga bashers ay ang pagiging retokada ni Kim Chiu. Hindi naman daw gaanong maganda si Kim noong kapapanalo lang niya sa Pinoy Big Brother (PBB), pero nang nabigyan na siya ng mga proyekto sa ABS-CBN, ang laki ng ipinagbago ng kanyang personalidad. 


Buwelta naman ng mga fans ni Kim, hindi big deal sa kanila kung nagparetoke ang kanilang idolo. Maraming artista ang nagpaparetoke para umangat ang kanilang career.


Kung tutuusin, minor enhancement lang naman ang ginawa kay Kim upang bumagay siya sa mga roles na gagampanan niya sa pelikula at telebisyon. 


At sa panahon ngayon, pati ang mga beauty queens ay nagdaan din sa pagpaparetoke upang lumutang ang kanilang ganda.


 

DAHIL kay Sandro Muhlach, lumantad na rin ang ibang biktima ng sexual harassment sa showbiz. Kaya ngayon, may ilang artista at singers ang nagkaroon ng lakas ng loob na lumantad na rin upang ibahagi ang kanilang karanasan. Tulad ni Gerald Santos na 15 taong gulang pa lang nang maabuso ng isang musical director. 


At ngayon, ang aktor na si Ahron Villena ay nali-link sa isyu sa direktor na sinasabing si Joel Lamangan, na nag-take advantage raw sa kanya sa set ng isang pelikula. 


Well, sinu-sino pa kaya ang susunod na magsasalita upang ibunyag ang mga nagaganap na sexual harassment sa showbiz? 


Kung tutuusin, open secret na sa showbiz ang ganitong kaganapan—babae man o lalaki, nakakaranas ng sexual harassment kapalit ng showbiz career. Kaya lang, hindi nila maibunyag sa publiko. 


Pero sa henerasyon ngayon, protected na ang karapatan ng mga manggagawa sa pelikula at telebisyon. Maaari nang magsumbong sa mga awtoridad ang sinumang biktima ng exploitation at sexual harassment. Marami ang tutulong upang makamit nila ang hustisya. 


Kaya magdadalawang-isip na rin ang ilang nasa posisyon sa movie industry at telebisyon na gumawa ng ikapapahamak nila. Hindi na basta tatahimik na lang ang makakaranas ng sexual harassment.


 

SA darating na August 30, gaganapin ang 21st IGAN Cup ni Arnold Clavio. Ito ang taunang fundraising golf tournament na “For a Cause: For the Kids” na gaganapin sa

Eastridge Golf and Country Club sa Binangonan, Rizal. 


Ang IGAN Cup ay proyekto ng Pilipinas Foundation Inc.. Layunin ng fundraising tournament na makalikom ng pondo upang makapagbigay ng tulong sa mga may karamdaman at iba pang charity projects. 


Friendly competition ng mga sasaling golfers ang magaganap sa 21st IGAN Cup. Ilan sa mga celebrities na naglaro na rito ay sina JV Ejercito, Dingdong Avanzado, atbp..


Sa kabila ng mild stroke na dinanas ni Arnold Clavio, itinuloy pa rin niya ang IGAN Cup tournament sa taong ito, 2024. 


May nakalaang premyo ang mananalo sa IGAN CUP tulad ng scooter, gift checks, at P100 thousand cash prize. 


Sa nalikom na pondo, ipagpapatuloy ang mga projects sa taong ito tulad ng “Adopt a Child with Diabetes,” “Lingkod Kapwa Community Pantry,” “Paraiso ng Mga Igan,” at “Lugawan ni Igan”. 


Ang IGAN Cup ay gagamit ng Format System 36.



0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page