ni Ador V. Saluta @Adore Me! | Feb. 6, 2025
Sa kabila ng may mga bashers na nilait ang ginawang pagsasayaw ni Mark Herras sa gay bar recently, nakatulong naman daw nang malaki sa financial status ng dating StarStruck Male Survivor ang kanyang naging raket.
Balitang kumita ng P300 thousand si Mark at balak pa nga raw kunin ulit ng manager ng nasabing bar dahil dumami ang customer nila dahil sa aktor.
At dahil din sa nasabing pagsasayaw ni Mark sa gay bar, lumutang ang tsismis na isa siya sa mga pinagpipilian bilang “housemate” sa sandaling mag-umpisa ang Pinoy Big Brother (PBB), ang collaboration project ng Kapuso at Kapamilya Network.
Naitanong ito kay Mark, at sagot niya, “Pag-iisipan kong mabuti.”
Kailangan daw niyang pag-isipan dahil hindi lang basta “Oo” ang magiging sagot niya. Hindi madali para sa kanya ang magdesisyon, lalo na’t isa na siyang pamilyadong tao.
Bukod sa kanilang panganay na anak na lalaki, nasa limang buwan nang ipinagbubuntis ng asawa niyang si Nicole Donesa ang kanilang ikalawang baby.
Iniisip niyang hindi siya maaaring mawala nang matagal sa tabi ng misis niya, lalo na’t sakop ng PBB period ang araw ng panganganak ni Nicole. Lalo na ngayong hindi pa nila alam ang gender ng kanilang baby dahil hindi pa sumasailalim sa ultrasound ang kanyang misis.
Pero kung siya ang tatanungin, lalaki pa rin ang gusto niyang maging pangalawang anak nila ni Nicole.
Samantala, dahil sa kontrobersiya at ingay na nalikha ng pagsasayaw ni Mark sa gay bar, interesado raw uli ang management na kunin ang kanyang serbisyo para sa darating na Valentine’s Day — at ito'y pinag-uusapan pa.
Heto pa! Hindi makapaniwala si Mark na iniimbitahan siyang maging guest speaker sa isang school event ng isang unibersidad matapos nilang malaman na sinubukan niyang sumayaw sa bar upang buhayin ang kanyang pamilya.
Humanga umano ang mga estudyante sa wisdom na ipinamalas niya sa mga panayam tungkol sa pagtatanghal sa gay bar bilang paraan ng marangal na pagsuporta sa kanyang pamilya.
Masaya niyang sabi, “Tinanggap ko na ang imbitasyon!”
Sa bisa ng pinirmahan niyang kontrata sa Sparkle GMA Artist Center, ang kumpanya na ang mamamahala sa kanyang career at wala na siya sa poder ni Manay Lolit Solis.
Dahil wala nang manager si Mark, siya na mismo ang kinakausap ng mga show producers na nais kumuha sa kanyang serbisyo, gaya ng mga out-of-town basketball tournaments kasama ang mga kapwa celebrities.
Sunud-sunod daw ang mga imbitasyon sa kanila para sa piyestahan, lalo na’t nalalapit na ang buwan ng Abril, Mayo at Hunyo.
Mag-dyowa, in-unfollow na raw…
LIZA, PINA-FOLLOW PA RIN NINA JAMES AT ISSA
USAP-USAPAN ng ilang netizens ang biglaang pag-unfollow umano ni Liza Soberano sa mag-BF na James Reid at Issa Pressman.
Si James ang dating manager ni Liza hanggang sa nagpaalam ito sa Careless Management upang i-pursue ang kanyang Hollywood dream.
Hanggang sa nauwi sa ‘di magandang estado ang Careless Music (CM), nagkahiwalay sila ng presidente ng kumpanya na si James at tuluyan na itong nabuwag.
Tanong tuloy ng mga netizens, may kinalaman ba ang pag-unfollow ni Liza sa magkasintahan sa naging panayam ni James kay MJ Felipe ng ABS-CBN News noong September 17, 2024 kung saan ayon sa dati ring aktor, naiintindihan niya ang reason ni Liza na gusto nitong mag-Hollywood?
Kung bibisitahin naman ang following list nina James at Issa, nananatili pa rin doon ang pangalan ni Liza.
Ibig sabihin, pina-follow pa rin nila ang aktres.
Ano’ng sey n’yo?
Comments