top of page
Search
BULGAR

Proteksyunan ang kapakanan at dignidad ng mga biktima ng kalamidad

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Nov. 6, 2024



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go

Sa pag-iikot ko sa mga lugar na nasalanta ng mga sakuna at kalamidad, palagi kong nakikita ang kawawang kalagayan ng mga kababayan nating evacuees. Nawalan na nga sila ng tirahan at kabuhayan, wala pa silang maayos na matuluyan. 


Kalimitan ang mga ginagamit na pansamantalang matitirhan ay mga eskwelahan, covered court, o kaya’y multi-purpose hall na madalas ay walang supply ng malinis na tubig na inumin, siksikan ang mga palikuran, maruming paligid at hindi komportableng matutulugan.


Dagdag pa rito ang kakulangan ng supply ng gamot para sa mga dinadapuan ng karaniwang sakit gaya ng sipon, ubo, pagkasira ng tiyan at allergies sa balat. Apektado rin ang schedule ng mga klase kung naka-evacuate pa sa mga paaralan ang mga biktima ng kalamidad.


Ito ang ilan sa mga dahilan kaya isinulong natin ang Senate Bill No. 2451 o ang Ligtas Pinoy Centers bill na base sa aking naunang nai-file na Mandatory Evacuation Centers Bill. Layunin ng panukalang batas na ito na magtatag ng permanenteng mandatory evacuation center sa bawat lokalidad sa buong bansa. 


Dahil naipasa na ng Senado at Mababang Kapulungan ang panukalang ito na tayo ang principal author at co-sponsor, umaasa tayong maging ganap na batas na ito kapag pinirmahan ng Pangulo. 


Palagi kong binibigyang-diin ang pagiging vulnerable ng ating bansa laban sa mga natural na kalamidad. Sa loob ng isang taon, mahigit sa 20 bagyo ang dumaraan sa Pilipinas, pinakamarami sa lahat ng bansa sa Southeast Asia. Nito lamang pananalasa ng Bagyong Kristine at Leon, iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) noong November 4 na mahigit walong milyong kababayan natin ang naapektuhan. Mahigit 600,000 na mga Pilipino ang nawalan ng tirahan. 


Masakit makitang ang pinaghirapan sa loob ng mahabang panahon ay naglahong parang bula. Mas masakit lalo na kung may nasawi. At sa tuwing may kalamidad, laging ang mga mahihirap nating kababayan ang pinakaapektado. Panahon na para hindi lang tiyakin ang kaligtasan at seguridad ng ating mga evacuee, kundi iangat din ang kanilang dignidad. Dumaraan na nga sila sa krisis, ang mga naghihirap ay dapat huwag nang mas pahirapan pa.


Sa ating patuloy na pagsulong para sa mas epektibong pagtugon sa mga kalamidad, isinusulong din natin ang SBN 188, na naglalayong magtatag ng Department of Disaster Resilience (DDR). Nais nating mapalakas ang ating kakayahan sa disaster risk reduction, paghahanda, pagtugon sa emergencies, at mabilis na pagbangon pagkatapos ng mga kalamidad. 


Kung maisasabatas ito, magkakaroon ng departamentong may cabinet secretary level na timon na nakatutok sa sitwasyon at hindi lang coordinating council o task force. Sa pamamagitan nito, umaasa tayong maiibsan ang epekto ng mga kalamidad, mas maraming buhay ang maaaring mailigtas, at mas mabilis na maibabalik sa normal na pamumuhay ang mga biktima ng sakuna. 


Ang serbisyo at malasakit sa mga Pilipino ay hindi lamang dapat sa pamamagitan ng pagbibigay ng agarang tulong. Magtulungan tayo para maging mas matibay at mas handa ang sambayanan sa anumang paparating pa na sakuna. 


Samantala, dumalo tayo kahapon, November 5, sa ginanap na Philippine Board Members League of the Philippines 32nd National Convention sa Maynila sa paanyaya ni PBMLP President BM Ramon Vicente Bautista. Sa araw ding iyon, sinaksihan ng aking opisina ang turnover ceremony ng Super Health Center sa Kananga, Leyte kasama si Mayor Matt Torres. 


Patuloy din ang aking Malasakit Team sa paghahatid ng tulong sa ating mga kababayan tulad ng 189 na naging biktima ng sunog sa Cebu City; at 53 sa Puerto Princesa City. Namahagi rin tayo ng ilang relief goods sa mga naging biktima ng pagbaha sa Albay, Camarines Sur, Pampanga at Batangas.


Nagkaloob din tayo ng tulong sa 297 residente ng Tagum City, Davao del Norte na kapos ang kita katuwang si Mayor Rey Uy. 


Sa pakikipagkapit-bisig sa DOLE na nagbigay ng pansamantalang trabaho sa mga nawalan ng hanapbuhay ay natulungan din natin ang 268 residente ng Lingig, Surigao del Sur kaagapay si Mayor Elmer Evangelio.


Bilang inyong Mr. Malasakit, sa abot ng aking makakaya ay tutulong tayo sa mga Pilipinong nangangailangan. Bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

ความคิดเห็น


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page